Darang sa Baga (98)

(Kasaysayan ni Nena ng Mandaluyong City)

"ALAM mo Fil, hindi ko na sana sasabihin sa iyo ang nangyari dahil ayaw kong mag-isip ka na naman. Pero naisip ko, baka baligtarin ako ng anak mo," tumingin ako nang matagal kay Fil. Hindi na ako nagpaliguy-ligoy pa. Deretsahan na.

"Kilala ko ang anak mo, tiyak na palalabasing ako ang may kasalanan kaya kami nag-away… Dudurugin niya ang pagkatao ko, kahit na hindi totoo."

Hindi makapagsalita si Fil. Pero alam ko mayroon siyang pinipigil sa kalooban. Halata ko, nagpupuyos ang damdamin.

"Tiyak na sisiraan niya ako. Palalabasing lalaki ko ang nakita niyang kausap ko kanina. Kaya minabuti kong unahan na siya. Naiintindihan mo ako, Fil?"

"O-oo. Naiintindihan kita…"

Nakahinga ako nang maluwag.

:N-naniniwala a-ako s-a i-iyo Nena," sabi ni Fil at pinisil ang kanang palad ko. Ginantihan ko ng pisil ang ginawa niya.

"S-sorry s-sa t-tanong k-ko k-kanina. N-nabigla lamang ako, N-nena…"

"Alam ko Fil.."

Lumipas pa ang isang linggo. Hindi ko inaa- sahan ang pagdating ng magkapatid na Liza at Jen. At sa tono ng pagsasalita ni Liza, halatang pinagtutulungan na nila ako. Kaaway ko na rin si Liza. Nasiguro kong isinumbong na ni Jen ang mga nangyari sa amin. Sino pa nga ba ang magtutulugan kundi ang magkapatid.

"Daddy kukunin ka na namin dito…" sabing pataray na obvious namang ipinaririnig sa akin.

"O-okey naman ako rito…" sagot ni Fil.

"Hindi ka okey dito, Daddy. Mamaya niyan mabalitaan na lamang namin na patay ka na. Mabuti na ‘yung nakasisiguro kami ni Jen."

"O-okey nga ako rito, Liza…"

"Ba’t ba ang tigas ng ulo mo Daddy? Inaalala ka na nga namin ni Jen e ikaw pa itong ayaw sumunod. Mas alam namin ang mabuti para sa iyo…"

"U-umalis k-ka nna!" sabi ni Fil. May diin.

Hindi nakakibo si Liza sa sinabi ng ama. Tumayo. Tumingin sa akin nang matalim.

(Itutuloy)

Show comments