NAGMAMADALI ako sa pagtawid nang makita kong mabilis na lumalapit sa akin si Carlo. Lalo ko pang binilisan ang paglakad nang marinig ang kanyang tawag. Hindi ako lumilingon. Ang nasa isip ko ay ang makarating sa kabila at makarating sa gate ng condo na nasa di-kalayuan. Siguro’y may isa o dalawang minutong lakarin ang condo. Tanaw na tanaw mula sa kalsada ang condo.
Nakarating ako sa kabila. Patuloy ako sa mabilis na paglakad. Hindi pa rin ako lumilingon. Ayaw kong makita si Carlo. Naidalangin kong sana’y naipit siya ng trapik sa kabila. Ganoon man kahit na hindi niya ako abutan, kabisado na niya kung saan ako nakatira. Hindi ba’t nakaakyat na siya sa aming unit at tinawag pa ako. Hindi nga lang ako sumagot.
Wala na akong naririnig na tawag. Siguro’y naiwan ko si Carlo. Pero ipinagpatuloy ko ang mabilis na paglalakad. Malapit na malapit na ako sa entrance ng condo.
Nagkamali ako sa iniisip. Naunahan pa ako ni Carlo at nakaharang siya sa daraanan ko. Hindi ako makapaniwala. Paano siya nakarating nang ganoon kabilis.
Hindi na ako makaiiwas. Wala naman akong dadaanan. At kung meron man tiyak na aabutan ako.
Tumigil ako. Inihanda ang sarili sa komprontasyon. Kung may gagawin siyang masama sa akin. Sisigaw ako. Malapit na ang outpost ng guard ng condo roon.
Pero hindi naging marahas si Carlo. Bagkus ay isang maa-mong tupa ang nakita ko. Ang akala ko, magiging tigre siya pagkaraan ng ginawa ko. Hindi pala.
"Kumusta ka Nena?"
Hindi ako sumagot. Iniwasan kong tingnan si Carlo.
"Mahal pa rin kita Nena..."
Lalo na akong umiwas na makita ang mukha niya. Natatakot ako. Ewan ko.
Nasa ganoong sitwasyon nang makita ko ang isang papasok na kotse. Ang sakay: Si Jen!
Nakatingin siya nang makahulugan sa akin. Lalo nang sinalakay ng kaba ang dibdib ko. (Itutuloy)