Darang sa Baga (74)

(Kasaysayan ni Nena ng Mandaluyong City)

MASAYA ako sa pagkakataong iyon na ako pa rin ang pinili ni Fil na makapiling kaysa sa dalawa niyang anak. Nadama kong may halaga talaga ako sa kanya. Iyon ay sa kabila na hindi naman kami kasal. Nakadama ako nang pagmamalaki kahit paano. Parang hindi ako isang "kabit".

"D-dalawin n’yo na lang ako nang mas-madalas sa tirahan namin…" sabi ni Fil na nakatingin sa dalawang anak. Wala naman akong kibo habang nasa may gawing kaliwa ni Fil.

"Opo Daddy," sagot ni Liza.

Wala namang sagot si Jen. Pero ang tingin ko nagpupuyos ang kalooban sapagkat sa dakong huli, ako pa rin ang pinili ni Fil at hindi siya.

"Ayaw mo ba talaga sa aming bahay, Dad?" tanong muli ni Liza.

"Kapag nakarekober ako rito, sa bahay mo naman ako…"

"O di ba’t mas maganda na habang naghihintay ka nang pagrekober e sa bahay ka muna."

"O-okey lang naman sa bahay…don’t worry."

"Kasi nga inaalala ko baka…me mangyari na naman e hindi ka agad maisugod sa ospital. Buti kung marunong mag-drive si…" nabitin ang sasabihin. Tila nalimutan ang pangalan ko.

"M-may sasakyan naman sa ground floor para sa emergency case kaya no problem in case na may mangyari sa akin. Pero hindi na mauulit ang atake sa akin. Makakarekober ako tiyak…"

Hindi napilit ang ama. Napailing-iling lamang si Liza. Nakaismid naman si Jen.

Nagpaalam ang dalawa. Bago umalis, si Liza ang lumapit sa akin at nagpasalamat. Babalik daw siya kapag iuuwi na ang kanyang ama sa bahay.

"Tawagan mo ako sa bahay ha?" sabi ni Liza.

Tumango ako. Nang nasa hagdanan ay nagparinig si Liza. Ako ang pinariringgan niya.

"Suwerte talaga! Nakadyakpat ng matandang mayaman na malapit nang mamatay!"

(Itutuloy)

Show comments