"FIL! Fil!"
Niyugyog ko siya habang nakahiga sa sopa pero parang hindi makarinig. Tila nawalan ng malay. Kinabahan na ako. Masama na ang nangyayari. Atake sa puso? Stroke? Iyon ang una kong naisip. Ganito raw ang palatandaan ng nai-stroke at inaatake. Biglang hilo at pagkawala ng malay.
Mabilis akong nakatakbo sa telepono at naidayal ang number ng guwardiya sa ibaba. Sabi koy tulungan ako dahil may masamang nangyari sa asawa ko.
Pagkaraan ay mabilis akong bumalik sa tabi ni Fil na walang kakilus-kilos. Naalala ko ang isang ta- ong inaaake ay dapat na makahinga nang maluwag. Inalis ko ang pagkakabutones ng polo niya at ganoon din ang pantalon. Inangat ko nang bahagya ang ulo.
Ilang saglit pa ay dumating na ang dalawang guwardiya. Mabilis na binuhat si Fil at dinala sa ground floor. Mabilis kong naisara ang condo unit at nakasunod sa ibaba. Nasa isang sasakyan na si Fil nang bumaba at ilang saglit pa ay tumatakbo na kami patungong ospital.
Dalawang tauhan ng condo ang nasa unahang upuan ng van. Hinihimas ko ang mukha ni Fil habang nasa sasakyan. Hindi ko nalalaman na tumutulo na pala ang luha ko.
"Fil! Fil!"
Hanggang sa sumapit kami sa ospital. Mabilis na dinala sa emergency room si Fil. Hindi ko malaman ang gagawin sa pagkakataong iyon. Baka mamatay si Fil!
Pagkaraan akong tanungin ng nurse sa mga nangyari kay Fil ay sinabihan akong maupo na lamang sa waiting area.
Habang nakaupo sa bangkong nasa waiting area ay binabalikan ko ang mga pangyayari kanina. Kapag namatay si Fil, walang ibang dapat sisihin kundi ang anak niyang si Jen. Pero gusto ko ring sisihin ang sarili kung bakit isinumbong kaagad kay Fil ang mga ginawa ni Jen. Kung hindi ko isinumbong hindi siya magagalit nang ganoon katindi. (Itutuloy)