MAAYOS ang buhay namin sa nilipatang bagong condo. Walang problema. Sariling-sarili namin ang mundo. Kapag nasa loob na kami ng condo ay wala na kaming pakialam sa mga nangyayari sa labas. Wala na kaming naririnig na ingay. Iyon ang buhay na gusto ko.
"Happy?" tanong sa akin ni Fil habang nanonood kami ng TV. Ibinili niya ako nang malaking TV na para bang nasa loob kami ng sinehan.
"Sobra!"
"Wala nang problema rito sa condo?"
"Wala."
"Wala ka nang nakikitang aali-aligid?"
"Wala na po!"
"Talagang wala ka nang reklamo?"
"Wala na talaga."
"Sigurado ka?"
"Oo."
"Hindi ka nangangarap ng anak?" tanong ni Fil at hinapit ang baywang ko.
"Hindi. Saka na lang ang anak. Ikaw gusto mo?"
"Hindi. Saka na lang. Mag-enjoy muna sa walang responsibilidad "
Hinalikan ko sa pisngi si Fil. Wala na nga akong alam pang problema. Maligayang-maligaya ako.
Iyon ang akala ko. Hindi ko alam, nakaamba na pala ang isang problema.
Isang tanghali ay biglang dumating ang bunsong anak ni Fil. Noong una ay hindi ko nakilala. Matagal na rin naman nang makita namin siya sa mall. Hindi ko agad namukhaan.
"Sinong kailangan mo?" tanong ko.
"Ang daddy ko!" sabing may tigas.
Pinapasok ko. Hindi ko alam kung paano ang gagawin. Mataray nga pala ang anak na ito ni Fil. Magkasingtaas at magkasing-katawan kami. At ang alam ko, magkasing-edad. (Itutuloy)