Darang sa Baga (Ika-34 na labas)

(Kasaysayan ni Nena ng Mandaluyong City)

"PARA sa iyo yan, Inay," sabi ko. Sumulyap ako kay Fil. Tumango lang si Fil sa akin.

Kinuha ni Inay ang pera at tumingin kay Fil. Isang mahinang "Salamat" ang nasabi. Tila nahihiya pa. Tumango si Fil.

Lumabas na si Inay. Nasulyapan kong nagtungo sa kuwarto niya. Bumalik ako sa mesa at hinarap ang pagkain.

"Kanin pa, Fil?"

"Tama na," sabi at tinapik ako sa balikat.

Nagsalin ako ng tubig sa baso. Uminom si Fil.

"Anong oras tayo aalis?" tanong ni Fil makaraang lumagok.

"Mamaya-maya. Magbibihis lang ako."

"Nakahanda na ba ang mga baggage mo?"

"Kanina pa."

"Ang kapatid mo si …." hindi niya maaalala ang pangalan. "Sino nga ‘yon?"

"Si Maricel?"

"Oo."

"Nasa school pa. Darating na siguro ‘yon."

Nagbihis na ako. Nang matapos ay niyaya ko na si Fil. Hinakot niya ang mga gamit ko. Nang mahakot ay nanatili na lang siya sa kotse.

Kinatok ko si Inay sa kuwarto para magpaalam. Bumangon si Inay at kasunod kong lumabas.

"Aalis na kami Inay," mahina ang boses.

"Paano si Carlo? Anong sasabihin ko?"

"Huwag n’yong problemahin ‘yon."

Nakatanaw si Inay nang umalis ang kotse. Nagbabay si Fil kay Inay.

Ewan ko pero parang nakatakas ako sa lugar na iyon na maraming hirap din ang aking naranasan.

Paliko na kami sa J. P. Rizal nang makita ko ang lalaking iyon na patawid sa kalsada. Si Carlo! Patungo sa amin.

(Itutuloy)

Show comments