"SAAN nagtatrabaho ang siyota mo Nena?" tanong na muli ni Mr. Reyes. Nakalampas na kami sa Ayala Avenue. Katamtaman ang pagpapatakbo niya. Hindi ako tumitingin kay Mr. Reyes.
Sinabi kong sa isang kompanya sa Maynila.
"Anong trabaho?"
"Messenger."
Hindi na nagsalita. Nakarating kami sa Buendia. Hindi pa rin ako tumitingin kay Mr. Reyes. Naisip ko muli si Carlo. Kawawa naman. Birthday na birthday ay hindi ako kasama.
"Ano ba ang paborito mong pagkain Nena?"
"Kahit ano Sir."
"Sea foods?"
Tumango ako.
"Doon tayo sa restaurant na specialty ang seafoods."
"Doon pa ba sa Circle tayo pupunta?"
"Oo. Masarap doon at saka tahimik."
"Wala na bang iba? Yung malapit lang "
"Ang alam ko e sa Roxas Boulevard. Gusto mo roon?"
Ayaw ko. Delikado. Baka magawi roon si Carlo at makita kami.
"Sige na nga Sir sa Circle na lang."
Nakarating kami sa Guadalupe. Pausad-usad na ang takbo namin dahil sa trapik. Pabigat nang pabigat. Nang makalampas sa Guadalupe ay hindi na gumagalaw ang trapiko.
"Mag-aalas siyete na narito pa rin tayo "
"Humanap na lang tayo ng iba Sir?" sabi ko.
"Meron kang alam Nena na malapit dito."
"Sa Greenhills, Sir."
"Sige. Baka pagsa Circle tayo pumunta alas nuwebe na tayo makarating."
Humantong kami sa isang seafood restaurant sa Greenhills. Si Sir ang umorder. Marami.
"Baka hindi natin ito maubos," sabi ko nang ibaba ang pagkain sa mesa.
"E di ibalot," sagot ni Sir.
Nagsimula kaming kumain. Walang imikan. Napagmasdan ko si Mr. Reyes. Guwapo naman pala. At saka tila gusto lang akong makasama sa pagkain. Biyudo nga siguro. (Itutuloy)