NAIPANGAKO ko kay Pacita na gagawin ko ang lahat para siya matulungang makauwi. Kung gaano ang ginawa kong pagtulong kay Mely na biktima rin ng pangre-rape ay baka mas higit pa ang gagawin kong pagtulong sa kanya.
Kahit na raw hindi maparusahan ang mga taong nangrape sa kanya, basta ang mahalaga ay makauwi siya sa Pilipinas. Malaki kasi ang paniwala ni Pacita na wala namang mangyayari sa kaso.
"Susulat ako sa DFA at sasabihin ko ang mga nangyari sa iyo. Malay mo may opisyal sa DFA na ipursige ang kaso "
Hindi nagsalita si Pacita. Nakatingin sa labas ng bintana. Malalim ang iniisip.
"Meron nga akong alam na ni-rape sa UAE pero naparusahan ang amo."
"Sa UAE yon, pero dito sa Saudi, mahirap," sabi ni Pacita na umiiling.
"Susulat pa rin ako at magbabakasakali. Para mabigyan ng katarungan ang sinapit mo."
"Hindi na ako umaasa, Pepe. Ang hihilingin ko lang ay maging madali sana ang pagrepatriate sa akin. Gusto ko nang makauwi sa Pinas. Pagod na ako "
"E hindi bat wala ka na namang uuwian doon?"
"Kahit pa "
"Saan ka titira?"
"Sa San Pablo."
"Paanong magiging buhay mo roon?"
"Bahala na."
Gumawa ako ng paraan na maging madali ang repatriation ni Pacita. Ako mismo ang kumausap sa isang embassy official at ipinaliwanag ang lahat. Sinabi kong wala nang kamag-anak si Pacita dito sa Metro Manila. Kawawa naman.
Pagkaraan ay ako na ang nangalap ng perang mababaon ni Pacita. Ang OWWA ang magpo-provide ng airplane ticket ni Pacita. Marami akong nilapitang kakilala at inihingi ng tulong pinansiyal si Pacita. At hindi ako makapaniwala na nakalikom ako nang malaking halaga na maaaring magsimula ng negosyo si Pacita sa San Pablo.
Naaprubahan ang pagrepatriate kay Pacita. Naitakda ang pag-alis niya.
Aywan ko kung bakit ganoon na lamang ang nadama kong lungkot nang aalis na siya.
"Mami-miss kita Pacita," sabi ko.
"Puntahan mo ako sa San Pablo ha pag-uwi mo ha?"
"Oo naman. Isulat mo sa akin ang address mo, Pacita."(Itutuloy)