ISANG puting pick-up ang nakita ni Pacita. Mabagal ang takbo ng pick-up. Kinawayan niya. Pumagitna pa siya para makita kaagad ng driver. Alam niya, bihira na ang mga taong agad na tutulong sa nangangailangan. Lalo pa nga rito sa Saudi Arabia na iba ang kultura. Naidasal ni Pacita na sanay isang Pinoy ang driver ng pick-up. Alam niya na kung Pinoy ang makakakita sa kanya, tiyak na tutulungan siya. Hindi siya pababayaan ng kababayan.
Bumagal ang takbo ng pick-up. Wala pa ring tigil sa pagkaway si Pacita. Tumigil ang pick-up may limang metro ang layo kay Pacita. Nakita niyang bumaba ang driver isang matandang Saudi. Makapal at maputi ang balbas. Ang suot na thob ay may mga bahid ng dumi.
"Emdad, moder, emdad!" sabi ni Pacita.
Lumapit ang matandang Saudi.
"Emdad!" (Tulungan mo ako!)
"Liesh?" (Bakit?)
Sinabi niya ang nangyari na siya ay biktima ng tatlong kabataang Saudi. Nireyp.
Pagkasabi ni Pacita ay nakita niya ang pagkaawa ng matanda. Mabilis na lumapit sa kanya.
"Ma, moder, ma " iyon ang kasunod na nasabi ni Pacita. Tubig. Bigyan siya ng tubig.
Inalalayan siya ng matanda patungo sa pick-up. Isinakay at pagkaraan ay kinuha ang tubig na nakalagay sa likod ng pick-up. Nasa isang plactic na kasinglaki ng isang litrong Coke ang tubig. Nang iabot ng matanda sa kanya ay walang tigil na tinungga ni Pacita ang tubig.
Pakiramdam ni Pacita, nanauli ang kanyang lakas nang makainom ng tubig. (Itutuloy)