Nakita na lamang ni Pacita na nakahanda ang maleta ng damit ng mag-asawa. Nakapamaywang pa ang among babae nang utusan si Pacita na ikarga sa sasakyan ang maleta. Pasigaw pa ang pag-uutos.
"Asre Pacita!"
Bilisan daw niya. Mabilis niyang dinala ang maleta sa sasakyan. Ibinagsak para ipahalata ang inis.
"Ser alah mahl!"
Dahan-dahanin daw. Huwag ibagsak. Asar na asar si Pacita sa among babae. Akala mo’y kung sino. Gusto niyang pamukhaan na mas attractive pa siya rito kaya nahumaling si Al-Ghamdi sa kanya. Pero nanahimik na siya. Hindi na pinansin ang amo.
Si Al-Ghamdi ay nakatingin lamang. Halatang ander na ander ng asawa. Parang pinitpit na luya sa isang sulok.
Nang umakyat sa bahay ang among babae ay palihim siyang nilapitan at inabutan ng pera ni Al-Ghamdi. Nakabilot iyon na halatang nakahanda na.
"Fulos, Pacita. Muskila…" sabi nito at mabilis na lumayo sa kanya. Natakot na baka mahuli ng asawa.
Nagtaka si Pacita kung bakit nasabi ni Al-Ghamdi na muskila. Inilagay niya sa bulsa ng abaya ang perang nakabilot.
"Pacitah Asre! Asre!" sigaw ng among babae. Ipinakukuha pa ang isang maleta. Nagtaka si Pacita kung bakit napakaraming damit ang dala ng mag-asawa.
Kinagabihan ay hindi makatulog si Pacita. Hindi niya alam kung bakit. Nakatulog siya dakong ala-una ng madaling araw pero nagising ng dakong alas-kuwatro. Lumabas siya sa kuwarto niya para umihi. Narinig niya ang tawanan sa itaas. Inulinig niyang mabuti kung saan galing. Sa kuwarto ni Rasheed. Tiyak na nasa kuwarto na naman ang mga kaibigan nito.
Matapos umihi ay bumalik sa kuwarto niya si Pacita. Nahiga. Hindi na siya makatulog. Bumangon muli. Wala na siyang narinig na ingay sa kuwarto ni Rasheed.
Naalala ni Pacita na may itatapon siyang basura. Kinuha niya at tinungo ang gate. Nasa labas lamang ng gate ang drum na lalagyan ng basura.
Lumabas siya. Nagulat siya nang makita sa labas ng gate sina Rasheed at dalawang kasama. Nakangisi ang mga ito sa kanya. (Itutuloy)