Mga mata sa butas (Ika-78 labas)

(Kasaysayan ni Pepe ng Riyadh, KSA)

NILAPITAN daw ni Pacita si Ibrahim Al-Ghamdi isang umaga at isinum-bong ang ginagawang pamboboso sa kanya ni Rasheed. Sa lalaking amo niya isinumbong sapagkat natatakot siyang lumapit sa among babae. Maaaring hindi siya paniwalaan at baka siya pang lumabas na masama o gumagawa lamang ng kuwento. Kahit minsan ay hindi siya lumapit sa among babae. Masama nga ang ugali at nakabulyaw na kaagad.

"Al afw, Moder. Rasheed muskila,"
sabi niyang marahan kay Al-Ghamdi. Patungo si Al-Ghamdi sa study room sa basement para kunin ang attaché case nang lapitan niya. Ikinuwento niya ang maraming beses nang pamboboso sa kanya. Ilang ulit na niyang nahuli subalit patuloy pa ring ginagawa ang pamboboso. At ang pinakahuli nga ay nang malaman niyang nasa kisame ito ng banyo.

Nanlaki ang mga mata ni Al-Ghamdi matapos niyang ikuwento ang mga pangyayari. Hiniling niyang pagalitan si Rasheed para hindi na maulit ang pangyayari. Nagbanta si Pacita na kung hindi titigilan ni Rasheed ang pamboboso sa kanya ay mapipilitan siyang umalis sa bahay na iyon.

"La tahtamabe zalek Pacitah,"
sabi ni Al-Ghamdi na para bang humihingi ng paumanhin. Huwag mag-aalala at siya na raw ang bahala kay Rasheed. Pagsasabihan niya. Huwag daw siyang aalis. Pakiusap daw.

"Okey Pacitah?"
tanong ni Al-Ghamdi.

Napatango si Pacita.

"Shokran jazilan,"
sabing nasisiyahan ni Al-Ghamdi.

Napangiti raw si Pacita. Naisaloob niyang mas madaling lapitan ang among lalaki kaysa babae.

Natigil nga ang pamboboso ni Rasheed kay Pacita mula noon. Tinupad ni Al-Ghamdi ang sinabi. Pinagalitan marahil si Rasheed. At napansin din niya mula noon na umiiwas sa kanya si Rasheed. Para bang takot.

Pero makalipas lamang ang ilang linggo, may napansin na naman si Pacita. May mga matang lihim na namang nakasubay-bay sa kanya kapag nasa loob ng banyo at naliligo. Matalas na ang pakiramdam niya. Beterana na siya sa ganoong sitwasyon.

Akala niya ay si Rasheed na naman ang namboboso. Hindi pala. Walang iba kundi si Al-Ghamdi!

(Itutuloy)

Show comments