Mga mata sa butas (Ika-77 labas)

(Kasaysayan ni Pepe ng Riyadh, KSA)

MAY mga mata palang nagpipista sa kanyang katawan habang naliligo. Ayon kay Pacita, nahuli niyang nasa may pintuan ng banyo ang 18 anyos na among si Rasheed. Hindi makapagkakaila sapagkat huling-huli niya sa akto na nakasilip pa matapos niyang buksan ang pinto.

"Ma haza?"
tanong niya.

Gulantang daw si Rasheed. Tiningnan niya nang matalim para ipakitang galit siya. Pero tila walang epekto ang masamang tingin na ginawa niya. Nagtatawa pang umalis si Rasheed. Balewala ang lahat.

Nagtungo si Pacita sa silid niya at doon naghimutok. Pati pala rito sa Saudi ay kakambal pa rin niya ang malas. May mga mata rin palang nagnanasa sa katawan niya. Akala niya ay sa Pilipinas lamang may mga matang nagnanasa, hindi pala. Pati ang among binata ay natukso na ring silipin ang katawan niya. Nakaaakit pa ba ang katawan niya? Iyon ang naitanong ni Pacita sa sarili. Pagkaraan nang mga naranasan niya, may nagnanasa pa? Posible sapagkat hindi pa siya nagkakaanak.Wala pang pingas ang matris. Nagtataka nga siya kung bakit hindi naanakan ng asawa niya gayong may anim na buwan din silang nagsama. Maaaring baog ang asawa niya o siya mismo ang may deperensiya.

Ang akala ni Pacita ay matitigil na sa pamboboso sa kanya si Rasheed. Hindi pala. Lalo pang naulol sa kanya. Binago nito ang style sa pamboboso sa kanya. Sa kisame na ng banyo pumuwesto para mabistahan nang ayos ang kanyang katawan. Noong una ay walang kahina-kahinala si Pacita na binobosohan siya ng among si Rasheed. Paano’y wala siyang naririnig ni kaluskos man sa kisame. Tiwalang-tiwala siya na hindi na siya binobosohan. Nagkamali siya ng akala sapagkat lalo pa ngang nalantad kay Rasheed ang katawan niya. Kapag sinasabon pa naman niya ang katawan ay pati kasuluk-sulukan ay inaabot niya. Sinisiguro niyang malinis na malinis ang katawan.

Nadiskubre niya ang pamboboso ni Rasheed nang minsang makita ang dalawang pares ng sandalyas na malapit sa isang bakanteng kuwarto. Doon pala nagdaraan si Rasheed. At nahulaan niya na matagal nang nasa kisame si Rasheed bago pa man siya pumasok sa banyo. Kaya wala siyang marinig na kaluskos ay sapagkat matagal nang nakapuwesto.

Ang walanghiya at ayaw tumigil sa pamboboso sa kanya!

Isinumbong niya sa matandang Al-Ghamdi ang ginagawa ni Rasheed. Akala niya ay gagawa ito ng paraan pero hindi pala. Si Al-Ghamdi man pala ay nagkaroon ng interes na makita ang katawan niya.

(Itutuloy)

Show comments