NANG sunduin daw siya sa King Khalid International Airport ng among si Ibrahim Al-Ghamdi ay napansin na niya ang pagkakatutok ng mga mata nito sa kan-yang dakong dibdib. Halatang-halata kasi ang alsa ng kanyang mga suso sa suot na abaya. Bahagya niyang kinipit ang abaya. Siguro raw ay nadako lamang ang tingin ni Al-Ghamdi roon at walang intensiyon. Mabait naman daw sa tingin niya ang amo. Balbas sarado si Al-Ghamdi at guwapo kahit na may edad na.
"Kuwais Pacita?" tanong daw nito sa kanya nang naglalakad na sila patungong parking area.
"Kuwais Moder," sagot naman niya. Marunong na siyang mag-Arabik sapagkat naka-dalawang taon na rin siyang nanilbihan sa unang amo. Umalis nga lang siya dahil naaatrasado ang suweldo niya.
Ang asawa ni Al-Ghamdi ay isang babaing mataba. Matalim kung tumingin. Naisip daw ni Pacita na baka hindi siya magtagal sa bagong amo. Nararamdaman niyang masama ang ugali ng babae.
Dalawa ang anak ng mag-asawa. Isang lalaki at isang babae. Ang lalaki ay si Rasheed, 18, at ang babae ay si Jamil, 16. May mga barkada si Rasheed na kapag wala ang mga magulang ay sa bahay nagsisitambay at kung anu-ano ang ginagawa.
Masama nga ang ugali ng asawa ni Al-Ghamdi at sa kaunting pagkakamali ay nambubulyaw. Nagtitimpi lamang si Pacita.
Mag-iisang buwan na siya sa bahay nang mapansin niyang binobosohan siya ni Rasheed. Nahuli niya ito minsan na nasa pintuan ng banyo. Nang makita niya ay nagtatawang umalis si Rasheed.
(Itutuloy)