Mga mata sa butas (Ika-64 labas)

(Kasaysayan ni Pepe ng Riyadh, KSA)

"NARITO ako sa salas at nagpapahinga nang tuksuhin niya. Nakatapi lang ng tuwalya at kumandong sa akin. Dinemonyo ako. E lalaki ako…"

Sa mga inimbentong kuwento ng walanghiyang si Benjo kaya lalo pang sumulak ang galit ng ina. Hindi kay Benjo nagalit kundi kay Pacita. Naniwala sa nilubid ng demonyong si Benjo. Binaligtad ang lahat. Dinurog siya nang dinurog. At natangay naman ang walang kuwenta niyang ina.

"Putang ina ka Pacita. Sabi ko na nga ba at malandi ka. Malandi ka!"

"Hindi ako malandi! Nirape niya akooo! Nirape niya akoooo!" sigaw na may halong pag-iyak.

Nilapitan at sinampal siya ng ina. Tulig siya. Sabagay manhid na ang kanyang pisngi sa sampal at ganoon din ang kanyang braso sa kurot at suntok noon pa mang bata pa siya.

"Ahas ka palang walanghiya ka. Lumayas ka rito! Layasss!"

Iyon ang pinakamasakit na narinig niya. Grabe na talaga ang sumaping demonyo sa isipan ng ina. Kung gaano kasama ang sumapi sa utak ng rapist na si Benjo, mas matindi ang sa kanyang ina. Pinalalayas na siya. Bakit may ganitong ina?

"Mabuti pa ngang palayasin mo na ’yan. Baka tuksuhin muli ako niyan…"

Sumiklab na ang nakaimbak na galit kay Pacita. "Hayop ka Benjo! Bakit hindi ka pa mamatay!"

Pero ayon kay Pacita, hindi lang para kay Benjo ang mga salitang iyon kundi para na rin sa kanyang ina.

"Lumayas ka! Lumayas ka na rito!" sabi ng kanyang ina.

Wala siyang magagawa. Nasaniban na ang kanyang ina. At mahirap nang baklasin ang nakasanib ditong demonyo.

Mabilis niyang tinungo ang kuwarto at naglagay ng damit sa bag. Kinuha sa taguan ang P1,000 na pilit ibinigay ni Benjo noon. Magagamit niya ang perang bigay ng demonyo. Hindi niya alam kung saan pupunta.

Nang lumabas siya ng silid ay wala na ang mga demonyo sa salas. Nakakulong na sa kanilang kuwarto.

Mabilis siyang umalis. Umaambon pa. Pasado alas-dose na ng gabi. Sumakay siya ng dyipni kahit hindi alam kung saan pupunta. Bahala na!

(Itutuloy)

Show comments