Mga Mata sa butas (Ika-33 labas)

(Batay sa kasaysayan ni Pepe ng Riyadh, KSA)

TUWING Biyernes lang ako makadadalaw kay Pacita sa embassy pero humiling siyang dalawin ko ng dalawang beses isang linggo.

"Parang awa mo na Pepe. Baka masira ang ulo ko rito. Parang hindi ako tatagal…"

Wala akong magawa kundi ang mangako. Kahit na mahirap para sa akin, sinabi kong dadalawin ko siya ng Martes at Biyernes.

"Salamat Pepe," sabing nakatingin sa akin. Noon ko napagmasdan na maganda si Pacita. Hindi lamang siya nag-aayos. Maganda ang kanyang mga mata, ilong at labi. Bumagay ang mga iyon sa hugis pusong mukha.

"Ilang taon ka na ba Pacita?"

"Twenty seven."

"Ilang taon ka na rito sa Saudi?"

"Tatlo."

"E di 24 ka nang magtungo rito?"

"Oo."

"Bakit naman dito sa Saudi ka nag-DH e puwede naman sa Hong Kong o sa Singapore?"

"Wala na akong magawa. Gusto ko nang makaalis sa Pinas para malimutan ang mga problema."

"Bale itong amo mo na nagmaltrato sa iyo, una mong amo?"

"Hindi. Ikalawa siya."

"Yung una okey naman?"

"Hindi rin. Masungit ang babae."

"Ba’t dito ka nag-apply uli e me naranasan ka na palang kapalpakan?"

"Wala akong maaplayang iba."

Napatangu-tango ako. Naisip ko, mabuti na lamang at wala silang anak ng kanyang walanghiyang asawa. Kung meron, problema.

"Mabuti at wala kayong anak ng mister mo."

"Oo nga. Hinala ko, baog siya. Anim na buwan na kaming nagsasama e walang nangyari."

"Saan kayo ikinasal?"

"Sa City hall ng Maynila. Sa judge lang."

"Bakit doon lang?"

"Saka na lang daw kami magpakasal sa simbahan. Iyon pala hindi na mangyayari dahil sa pakialamera at walanghiya niyang ina…" Itutuloy

Show comments