"ERIC, lumabas ka diyan dali! Narito si Joy. Tamang-tama!" Excited ang boses ni Mama.
"Sandali Ma," sagot ko. Ang totooy wala naman akong ginagawa sa loob ng comfort room. Nakaupo lang ako sa inidoro. Nakikiramdam sa mga nangyayari sa labas. Nasasabik sa magiging resulta ng nililikha naming kuwento ni Ninang Joy.
"Eric! Bilisan mo anak," tawag pa ni Mama. Atat na atat na. Nagkaroon na ng sigla ang boses niya. Nawalang bigla ang tampo nang dumating ang artista este si Ninang Joy.
"Sandali Ma. Nagtatae ako," sabi ko para mapaniwalang matagal ako sa CR.
Hindi sumagot si Mama. Narinig ko ang pagbubukas ng ref. Kumuha marahil ng tubig o juice para kay Ninang.
Pilit kong inuulinig ang kanilang pinag-uusapan pero hindi ko marinig. Malayo na kasi ang salas sa CR.
Maya-maya pa ay narinig ko na naman ang yabag ni Mama. May kinuha sa kusina. Narinig ko ang pagbubukas ng lata ng biskuwit. Hindi marahil mapakali si Mama.
Pumunta muli sa salas. Pero mamaya-maya ay bumalik muli sa may CR at tumawag.
"Eric tapos ka na?"
"Malapit na Ma. Ang sakit ng tiyan ko talaga."
"Teka at itatanong ko kay Joy kung ano ang mabuti sa nagtatae."
Umalis si Mama. Maya-maya ay bumalik.
"Eto inumin mo to."
"Ilagay nyo diyan sa mesa Ma."
"Bilisan mo naman at naghihintay si Joy. Kakahiya run sa tao."
"Hayaan nyo siyang maghintay Ma."
"Eric ano ba? Pagkakataon mo na to. Nagpunta na nga rito ang tao e ikaw pa tong nagmamalaki."
Gusto kong humagalpak ng tawa.
"Sige Ma at lalabas na ako,."
"Bilisan mo at baka umalis si Joy. Parang kararating lang niya galing sa Saudi. Sabi ko nga bat hindi pa kayo nagsabay."
Kunwari ay naghugas ako at binuhusan ang inidoro. Saka lumabas. Nasilip ko sina Mama at Ninang Joy na nagkukuwentuhan. Nakita ni Ninang ang pagsilip ko. Kinindatan ko si Ninang Joy. (Itutuloy)