Ninang Joy (Ika-100 labas)

(Batay sa kasaysayan ni ERIC ng Riyadh, KSA)

MALAKING sorpresa kay Mama ang pagdating ko. Hindi niya inaasahan na mapapaaga ang pagbabakasyon ko. Sinabi ko kasi sa kanya na magbabakasyon ako pero hindi tiyak kung anong buwan. Sinadya namin iyon ni Ninang Joy. Bahagi iyon ng aming plano.

"Sana’y tumawag ka at nang nasundo ka namin sa airport," sabi ni Mama.

"Biglaan ang pagbabakasyon ko, ‘Ma," sagot ko.

Lumabas sa silid ang kapatid kong si Michael. Kinamayan ako.

"Ang taba mo ‘tol a," sabi. "Mukhang hiyang na hiyang ka sa Saudi."

"Masarap kasi ang shawarma roon. Ikaw lang e ayaw mong mag-Saudi."

"Sino naman ang kasama ni Mama rito?"

"Andito naman si hipag at ang pamangkin ko. Asan nga pala ang anak mo Michael?"

"Natutulog."

Napansin ko si Mama na hindi mapakali at may gustong itanong pero tila nagdadalawang isip pa.

"Kumusta ‘Ma?" tanong ko.

"Eto mabuti naman."

"Parang hindi ka tumatanda ‘Ma a. Wala ka pang uban."

"Masaya palagi ‘yan pa’nong tatanda," sabi naman ni Michael.

"Mas lalo akong sasaya kapag nakita kong may asawa ka na," sabi ni Mama. Pahiwatig na iyon. Tiyak na hahantong kay Ninang Joy ang usapan.

"Wala pa akong magustuhan ‘Ma."

"Pintasero ka kasi. Pihikan pa."

"Wala ka bang madagit na nurse roon Kuya?" tanong ni Michael at nakita ko sa likuran niya ang asawa.

"Wala akong magustuhan ‘Tol."

"Ba’t ba ayaw mo kay Joy?" tanong ni Mama.

"Sinong Joy ‘Ma?" tanong ni Michael. Hindi pa niya alam ang tungkol kay Ninang.

"Si Ninang Joy mo."

"Bakit anong tungkol kay Ninang?" tanong ni Michael na takang-taka.

Ikinuwento ni Mama kay Michael. Hindi makapaniwala si Michael.

"Kawawa naman si Ninang ano? Minaltrato pala ng Kano. Matagal kasi tayong walang balita sa kanya."

"Sabi ko kay Kuya mo, ligawan niya si Joy."

"’Ma naman ba’t si Ninang?" tanong ni Michael.

"Mabait si Joy. Kabisado ko na ang ugali."

"Pero malaki ang deperensiya ng edad."

Anong masama?"

Hindi nakasagot si Michael. (Itutuloy)

Show comments