"KAILANGAN iplano na natin ang mga gagawin sa ating kasal," sabi ni Ninang Joy sa akin nang sabihin kong malapit na kaming umuwi sa Pinas. Lalo siyang sumigla.
"Mahirap kung kailan malapit na ang pag-uwi natin saka lamang magpaplano," dugtong pa.
"Saan mo ba gusto tayong pakasal?" tanong ko.
"Sa simbahan sa Maynila ang gusto ko."
"Sa inyo sa San Pablo ayaw mo?"
"Ayoko."
"Gusto mo sa Santo Domingo?"
"Sige. Me kaibigan akong pari roon. Baka puwede siya ang magkasal sa atin."
"Gusto mo naman sa Loreto Church o sa St. Anthony. Natatandaan mo yon? Malapit lang sa Lardizabal."
"Oo naman. Doon ako madalas magsimba. Bat nga hindi doon tayo magpakasal?"
"Ako kahit saang simbahan, puwede. Ang mahalaga, makasal tayo."
"Wow naman. Diyan ako hanga sa iyo," sabi ni Ninang at hinalikan ako sa punong taynga.
"Ang reception saan naman natin gagawin?" tanong niya.
"Gusto ko sa five star hotel. Gusto ko bongga. May pera akong naka-save. Sapat na yun para sa ating reception baka nga sumobra pa."
"May savings din ako Eric. Huwag kang mag-worry kung kakapusin."
"Hindi ako kakapusin. Alam mo bang yung suweldo ko e halos hindi ko magalaw. Kasi si Mama, pensiyonada. Pinadadalhan ko lang siya paminsan-minsan. Sabi nga sa akin, mag-ipon daw ako nang mag-ipon at ang Saudi raw e hindi panghabampanahon."
Lalo kong nakita ang kasiyahan sa mga mata ni Ninang. Tuloy na tuloy na ang aming mga balak. Wala nang urungan.
"Gusto mo ba pagdating na natin sa Pinas saka natin ipagtapat kay Mama ang ating relasyon o habang narito pa tayo e sabihin na natin," tanong ko sa kanya. Seryosong-seryoso ang boses ko.
"Pagdating na lang natin dun. Tayong dalawa ang magsabi kay Mama," masayang sagot ni Ninang. "Mas maganda kung tayong dalawa ang magsasabi."
"Ikaw ang masusunod," sabi ko at hinalikan siya. Malapit nang mangyari iyon.
Itutuloy