NAGING madalas ang pagsusulatan ni Ninang Joy at ni Mama. Hanggang sa magtawagan na lang sila sa telepono. Si Ninang na ang tumawag kay Mama.
Napakaraming kuwento si Ninang matapos silang magkuwentuhan ng aking ina.
"Napakabait talaga ng mama mo este mama ko na rin pala."
"Bakit naman?"
"Inaalala niya ang kalagayan ko. Masyado raw palang naging miserable ang kalagayan ko sa State noon."
"Ikinuwento mo rin ba sa kanya?"
"Oo."
"Mahal ka talaga ni Mama. Noon pa talagang gusto ka niyang kasama. Di bat ayaw ka ngang paalisin sa aming bahay sa Lardizabal."
"Oo nga. Alam mo ba ang sabi niya sa akin, ipinagdarasal daw niya na sana ay makatagpo na ako ng lalaki na magmamahal sa akin?"
Napamaang ako. Matagal bago nakapagsalita.
"Anong sinabi mo?"
"Sabi koy ganoon din ang ipinagdarasal ko. At alam mo ba gusto ko nang sabihin sa kanya na natagpuan ko na ang lalaki "
"Bat di mo sinabi?"
"Baka mabigla si Mama. Ayaw ko pa. Pagdating na lang natin saka maipagtapat."
"Pero alam mo, malakas ang kutob ko na matutuwa pa si Mama kapag nalamang tayong dalawa ang magiging mag-asawa."
"Iyan ang dinadasal ko Eric. Kasi kung tutol ang mama mo sa akin, baka kung ano ang mangyari sa akin. Baka magkasakit sa labis na pagdaramdam."
Masuyo kong niyakap si Ninang. Ipinadama ko ang labis na pagmamahal sa kanya.
"Hindi na mauulit ang nangyari sayo. Tama na ang mga sakit na dinanas mo."
Naramdaman ko na umiiyak si Ninang. Ganoon naman siya kapag napag-uusapan ang nakaraan. Pero madali rin siyang makabawi.
"Gusto ko nang umuwi Eric. Gusto ko nang makita si Mama at siyempre gusto kong makasal na tayo."
"Malapit na Ninang." (Itutuloy)