Ninang Joy (Ika-72 labas)

(Batay sa kasaysayan ni ERIC ng Riyadh, KSA)

HINDI ko dinala ang lahat ng gamit ko sa paglipat sa tirahan ni Ninang Joy sa Naseem. Damit, libro at ilang mahahalagang gamit lamang ang dinala ko. Kahit na liveout ako, sa akin pa rin kuwartong iyon at hindi puwedeng okupahan ng iba.

"Babantayan ko ang kuwarto mo Pards," sabi ni Joey habang tinutulungan akong magbuhat ng maleta at kahon sa kotse. "Pero paminsan-minsan dalawin mo rin ang kuwarto mo ha?"

"Oo. Tuwing Biyernes punta ako rito. Lilinisan ko."

"Nagtataka pa rin ako kung bakit naisipan mong mag-live-out e okey naman dito."

"Saka ko na lang sasabihin sa ‘yo Pards."

"Malihim ka talaga Pards. Sabagay diskarte mo ‘yan at saka matanda ka na. Alam mo na ang mabuti at masama."

"Kapag okey na ako isama kita sa bago kong tirahan."

Kinamayan ako ni Joey. Umalis na ako. Palubog na ang araw.

Nakaabang na si Ninang Joy nang duma- ting ako sa tirahan niya sa Naseem. Maaga raw siyang lumabas sa ospital. Baka raw bigla nga akong dumating e walang magbubukas ng pinto.

"Marami ka bang gamit sa tirahan mo?" tanong ni Ninang nang maipasok ko ang maleta at ilang kahon.

"Konti. Hindi ko na dinala ang iba. Kapag Biyernes e bibisitahin ko at lilinisan."

"Alam ng mga kasamahan mo na kaya ka nag-live-out e dahil me ka-live-in ka?"

"Hindi. Hayaan ko na lang na sila ang makatuklas."

"Natatakot ka ring sabihin?"

"Hindi. Ba’t naman ako matatakot? Ayaw ko lang maging hayagan ang relasyon natin. Pero kung pipilitin nila ako, proud ko pa ring sasabihin na ang asawa ko ay maganda, mabait, maunawain, mapagmahal," at bigla kong hinalikan sa labi si Ninang.

"Matanda nga lang," sabi naman niya.

"Hindi ka matanda. Batambata ka para sa akin."

"Bola! Halika na nga rito sa kuwarto at magpalit ka ng damit. Baka magkasakit ka na naman. Mamaya i-massage kita."

Iyon ang isang masarap kung may asawa sa Saudi lalo pa nga at isang nurse na tulad ni Ninang. Bukod sa masarap ay walang kasingsaya pa.

(Itutuloy)

Show comments