^

True Confessions

Ninang Joy (Ika-61 na labas)

- Ronnie M. Halos -
(Batay sa kasaysayan ni ERIC ng Riyadh, KSA)
NAGING madalas ang pagpunta ko sa Batha sa paniniwalang makikita roon si Ninang Joy. Pupunta ako ng Huwebes ng gabi at kinabukasan, Biyernes, ay nakababad ako roon. Nagbabakasakaling makita ko siya katulad nang una kaming magkita. Pero wala akong nakita. Umuwi akong bagsak ang balikat. Palagay ko sadya niya akong iniiwasan. Maski sa housing na dati niyang tinirahan ay nagbilin marahil na walang sasabihing impormasyon tungkol sa mga tatawag at magtatanong sa kanya. Kaya nang muli akong tumawag ay walang sinabi sa akin ang namamahala sa housing.

Dalawang buwan ang nakalipas, hindi ko inaasahan ang biglang pagtawag ni Ninang Joy sa akin. Pasado alas-nuwebe ng gabi. Nakahiga na ako sapagkat masama ang aking pakiramdam. Parang lalagnatin ako. Kapapasok pa lamang noon ng taglamig.

Hindi ako makapaniwala nang marinig ang kanyang boses. Nakadama ako ng sigla.

"Hindi ka na galit Ninang?" ang boses ko’y malat dahil sa sore throat.

"Hindi naman ako galit," sagot kasunod ay buntunghininga.

"Ba’t ngayon mo lang ako tinawagan?"

"Matagal kasi akong nag-isip —- marami akong inisip…"

Ako naman ang nagbuntunghininga.

"Tapos bigla kang lumipat ng tirahan. Akala ko may nangyari na sa’yo. Akala ko nga, umuwi ka sa Pinas."

"Sorry, Eric."

"Matagal kitang hinanap. Naka-istambay ako sa Batha sa pag-aakalang makita ka roon."

"Hindi ako nagpunta sa Batha. Matagal na. Mula nang lumipat ako ng tirahan. Tiniis ko."

"Tumawag din ako sa mga ospital sa pagbabakasakaling makita ka."

Hindi makapagsalita si Ninang Joy. Siguro’y hindi makapaniwala na magagawa ko ang ganoong pagtitiyaga na makita siya. Nagpatuloy ako sa pagsasalita. Naging matapang na ako.

"Lagi kitang iniisip Ninang. Mahirap ang kalagayan ko."

"Mas lalo ako Eric. Natatakot ako."

"Ba’t ka tumawag kung natatakot ka?"

Hindi sumagot. Nahuli ko rin ang kahinaan. Kahit malakas ang kontrol sa sarili, lalabas din ang tunay na damdamin.

"Sana hindi ka na tumawag kung natatakot ka."

"Hindi na ako natatakot Eric…"

Ako ang hindi nakapagsalita. Totoo kaya iyon?

"Puwede na kitang puntahan?" tanong ko.

"Bahala ka."

Tinanong ko ang tirahan niya. Naseem District. Malapit daw sa Safeer Hotel. Alam ko iyon.

"Ngayon na?"

"Oo."

"Gabi na."

"E ano?"

"Ba’t malat ang boses mo Eric?"

"Sore throat. Parang lalagnatin ako Ninang."

"Me gamot dito." (Itutuloy)

AKO

AKONG

BATHA

MATAGAL

NASEEM DISTRICT

NINANG

NINANG JOY

SAFEER HOTEL

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with