Sabi ni Mama, dapat intindihin ko naman ang sarili ko. Sayang kung hindi ako makapapasa sa board exam. Siguroy nakikita ni Mama ang labis na kalungkutan ko sa pagkawala ni Jamie at napapabayaan ang pagrereview. Pero sa isang banday nauunawaan din naman niya ako. Malalim ang pag-iibigan namin ni Jamie at hindi iyon basta-basta mawawala.
Pero may isang bagay na sinabi si Mama na nagpalinaw sa aking nadirimlang isipan.
"Bata ka pa Eric at kung lagi kang mabubuhay sa nakaraan ninyo ni Jamie, ikaw ang magiging kawawa. Si Jamie, alam ko maligaya na siya kung saan man siya naroon. Ikaw narito pa at marami pang dapat gawin "
Nakuha ko ang ibig niyang sabihin. Dapat gumalaw ako para sa kinabukasan ko. At higit sa lahat para kina Mama at Papa rin. Matatanda na sila at dapat ako ang magdulot sa kanila ng ginhawa.
Nakakita ako ng liwanag sa kabila ng ulap. Natanggap ko ang nangyari. Siguro, hanggang doon na nga lang ang kuwento namin ni Jamie.
Pinagbuti ko ang pagrereview mula noon. At nagbunga iyon dahil kasama ako sa top 10 sa mga pumasa sa civil engineering.
(Itutuloy)