Ninang Joy (Ika-36 labas)

(Batay sa kasaysayan ni ERIC ng Riyadh, KSA)

NAKIRAMAY ang langit sa nadarama kong kalungkutan sa pagkamatay ni Jamie. Kumulimlim ang langit nang ihuhulog na ang kabaong ni Jamie at kanyang daddy. Nagbanta ang pagbagsak ng ulan. Maitim na maitim ang ulap. Kasing itim ng suot ng mga nakipaglibing na kamag-anak ng mahal kong si Jamie.

Kasama kong dumalo sa libing sina Papa, Mama at Michael. Pinilit ni Papa na makarating kahit na marami siyang trabaho sa DPWH. Kung uulan sa mga sandaling iyon, magpapaulan ako. Iyon ang isang paraang gagawin ko para ipakita kay Jamie na mahal na mahal ko siya at walang makapapalit sa puso ko.

Pero hindi umulan. Tinakpan lang ng ulap ang araw. Makaraang maihulog ang dalawang kabaong, unti-unting nagliwanag ang kapaligiran. Naging maaliwalas. Tumindi ang init. Alas-tres noon ng hapon. Pero sa akin, madilim pa rin. Hindi ko makita ang liwanag.

"Maaari kang pumunta sa bahay Eric kahit na wala na si Jamie. Kung gusto mo lang ha?" sabing mahina ng mama ni Jamie at niyakap ko makaraan ang libing.

"Opo Tita. Pupunta ako."

"Akala ko kayong dalawa na," sabi at saka umiyak. Kung masakit sa akin, mas lalo ang sakit na nadarama niya dahil hindi lang si Jamie ang nawala sa kanya kundi ang asawa.

"Iyon din po ang akala ko Tita. Marami kaming plano. Minsan nga napag-usapan namin na kapag pumasa sa board ay mag-abroad – kahit sa Saudi at kapag nakaipon na saka kami pakakasal."

"Naikuwento sa akin ni Jamie ‘yon Eric. Open sa akin si Jamie tungkol sa inyong dalawa…"

"Hindi ko nga po alam kung anong mangyayari sa buhay ko ngayong wala na siya…"

Umiyak muli ang mama ni Jamie.

Matagal akong nagmukmok at maski ang pag-eenrol sa review center ay muntik ko nang malimutan.

"Umpisa na ng review Eric baka hindi ka makasama sa first batch."

Nag-enrol ako kahit na mabigat ang loob. Habang nasa review, naiisip ko si Jamie. Magkasama sana kami. Masaya. Nagmamahalan.

(Itutuloy)

Show comments