HUMAPDI ang dati kong sugat dahil sa muling pagsaksak. Dumugo nang dumugo.
Tumulo ang aking luha nang sabihin ni Jenie na may nangyari na sa kanila ng Hapones na si Tonichi Ito. Ang dinanas ko sa kamay ng mga sundalo noon ay dinanas din ni Jenie. May pagkakaiba nga lang, sa akin ay puwersahan ang pag-angkin ng mga sakang at sa kanya ay buong layang ibinigay ang "kabirhenan".
"Siya ang nakauna sa akin Ma. Kahit naman ganitong may kalandian ang mukha ko at kilos, birhen pa rin ako. Kaya masuwerte ang sakang na si Ito "
Napahikbi ako. Narinig ni Jenie ang paghikbi ko.
"Umiiyak ka na na-man Ma? Ilang taon na rin ako rito sa Japan hindi mo pa rin matanggap ang naging kalagayan ko "
Hindi ako sumagot. Hinayaan ko siya.
"Akala ko tanggap mo na. Ano pa ang dapat kong ibigay para matanggap mo ang pagja-Japan ko?"
Nanatili akong tahimik. Nasusukol na naman ako ni Jenie.
"Ano pa ba ang gusto mo Ma?"
"Ang mga putang Hapones ang unang sumira sa akin. Mga hayop sila. Mga maniac!"
"Anong ibig mong sabihin Ma?"
Sukol na ako. Kailangan na rin niyang malaman ang lahat.
"Naging "parausan" ako ng mga Hapones noong giyera. Hindi mabilang ang mga maniac na nagpapasa sa mura kong katawan. Hindi pa ako nireregla ay nagahasa na!"
""Ma!" tanging nasabi ni Jenie.
"Masyadong masakit ang dinanas ko sa mga sakang kaya tutol ako sa pagja-Japan mo. Kung alam mo lang na gusto kong pumatay ng sakang. Maski ang papa mo nang malaman ang nangyari sa akin noon ay gusto ring makapatay ng Hapones. Kung buhay ang papa mo, tiyak na siya man ay tutol din sa ginawa mong pagpunta diyan. "
"Ma, alam na ba nina Ate at Kuya ang lihim mo?"
"Oo. Sinabi ko noong nagpunta ka riyan nang walang paalam."
Natahimik ang linya. Narinig ko ang paghikbi ni Jenie. Sa kauna-unahang pagkakataon, noon ko siya narinig na umiyak.
"Ma, nakalipas na iyon," sabi pagkaraan. "Maaari bang kalimutan mo na ang lahat?
"Pinipilit ko pero nadarama ko ang sakit ng sugat. Ayaw gumaling ang saksak sa aking pagkatao "
Natahimik muli. Nang magsalita ay gimbal na naman ako.
"Ma, iuuwi ko si Ito diyan."
"Huwag!"
"Ipakikilala ko siya sa inyo. Magpapakasal din kami riyan."
"Ayoko."
"Pakiusap Ma."
"Hindi ako papayag! Kapag dinala mo siya rito, aalis ako sa bahay na ito!" (Itutuloy)