SA pito kong anak, tanging si Jenie lamang ang may mababang natapos. Kumuha siya ng two-year Secretarial course sa isang computer school. Pero bago napagpasyahang iyon ang kunin, matagal na nag-isip. Hindi niya alam kung ano ang kanyang kukunin. Hindi katulad ng anim niyang kapatid na ang mga natapos ay teacher, banking and finance, nutrition, engineering at computer programmer. Hindi tala-ga gusto ni Jenie ang Secretarial course. Ako na lamang ang nagtulak sa kanyang iyon ang kunin. Naguguluhan siya.
Mas hilig niya ang magsayaw. Gusto niya ay yung nagsasayaw sa mga noontime shows sa TV. Nasa high school pa lamang ay kinakitaan na sa husay sa pagsasayaw ang aking si Jenie. Minsan ay pinuna siya ng kanyang mga kapatid sapagkat parang hindi nagko-concentrate sa pag-aaral at ang walang tigil na pagpapraktis sa pagsasayaw ang inaatupag. Hindi naman sa pagmamalaki, lahat ng mga anak kong babae ay magaganda. At si Jenie ang pinaka-maganda sa lahat. Maganda ang mga mata at hugis puso ang mukha. Makinis ang kutis. Maganda ang pangangatawan. Katamtaman ang kanyang taas.
"Wala kang mapapala sa ginagawa mong yan Jenielyn. Matauhan ka," sabi ng anak kong panganay na isang teacher.
"Tama si Ate. Mag-isip-isip ka, Jenie," sabad naman ng anak kong ikatlo na nagtatrabaho sa banko. "Baka magsisi ka pagdating ng panahon."
Ang paalalang iyon ay tila naman dumaan sa kanang taynga at lumabas sa kaliwa.
Nakatapos naman ng secretarial si Jenie. Natuwa ako sapagkat kahit na two-year course ay may natapos din siya. Hindi na nakahihiya sa mga kakilala at puwedeng ipagmalaki na ang pito kong anak ay pawang mga titulado.
Nang magkaroon ng trabaho ang aking mga anak ay pilit nila akong pinatitigi sa karinderya pero tumanggi ako. Iyon na lang ang aking libangan kaya hindi ako maaaring tumigil. Katwiran ko, baka manghina ang aking katawan kapag tumigil sa pagtitinda sa karinderya.
Hindi makakuha ng trabaho si Jenie. Hindi raw siya nakapapasa sa interview. Pero hindi ako naniniwala. Nadarama ko, hindi siya nag-aaplay at ibang trabaho ang kanyang pinagsisika-pang mapasukan ang maging entertainer sa Japan.
(Itutuloy)