MABILIS akong nakagawa ng apoy. Mabilis na nagbaga ang mga bao ng niyog at tuyong kahoy na pinulot ko sa paligid ng dampa. Ilang sandali pay iniihaw ko na ang dalawang mais. Ang bango ng nalulutong mais ay nagpasidhi sa nadarama kong gutom. Ngayon na lamang uli ako makakain ng mais. Marami kaming tanim na mais sa bukid noon. May katamtaman kaming laki ng bukid at maraming tanim doon si Tatay. Masipag ang aking ama. Mula sa mga inaaning gulay, mais at palay ay doon kinukuha ang pinagpapaaral sa amin ni Ate. Si Ate ay nasa fourth year high school na at ako ay nasa second year. Kahit na isang karaniwang magsasaka lamang si Tatay at si Inay ay isang karaniwang maybahay, pangarap nilang makatapos kami ng pag-aaral. Pangarap ni Tatay na maging guro si Ate samantalang ako raw ay pakukunin niya ng commerce. Laging pangaral nina Tatay at Inay na mag-aral kaming mabuti para mahango sa kahirapan ang buhay.
Sa bahaging iyon ng alaala ay tumulo ang aking luha. Ang luha ay bumagsak sa baga at lumikha ng tunog. Masaklap ang idinulot ng pananakop ng mga walang pusong Hapones sapagkat nawalan ako ng mga mahal sa buhay. Pinatay ng mga walang kaluluwang Sakang.
Luto na ang mais. Lalo nang naging mabango. Kahit na mainit pa ay hindi na ako makapaghintay at agad na kinain iyon. Gutom na talaga ako. Napaso ako sa unang kagat subalit sa mga sumunod ay hindi na. Masarap ang mais. Sariwang-sariwa. Mabilis kong naubos ang unang mais at isinunod ang ikalawa. Sa kabusugan at dahil na rin sa nadamang pagod, nakatulog ako sa pagkakasandal sa dingding ng dampa.
Masyadong masarap ang pagkakatulog ko sapagkat may sikat na ang araw nang magising ako. Masakit ang sikat ng araw na tumama sa mga mata ko.
Tumayo ako nagpa-tuloy sa paglalakad. Panibagong pakikipagsapalaran na naman ang kahaharapin ko.
Nang mataas na ang sikat ng araw ay naka-dama ako ng matinding uhaw. Wala naman akong madaanang sapa o ilog. Wala rin naman akong makitang puno ng niyog sa lugar na iyon para makunan ng buko. Pawang kugon at mga ligaw na pako ang aking nakikita.
Hanggang sa makakita ako ng isang bahay kubo. Nalaman kong may tao roon sapagkat may umuusok sa dakong kusina ng kubo. Nabuhay ang aking pag-asa. Tiyak na may tubig ang nakatira sa bahay kubo.
Mabilis akong nakalapit sa bahay kubo. Nakiramdam muna ako at baka Hapones ang nasa loob. Pero kung Hapones dapat sanay may nakakita na sa akin. Ang mga sundalo ay pulutong kung magpatrulya.
"Tao po! Tao po! Gandang tanghali po." Tawag ko pero walang kumikilos sa loob.
Naghintay ako ng ilang minuto.
Nang muli akon tumawag ay nakita ko ang pagsungaw sa bintana ng nakatira roon. Isang lalaki na sa tantiya ko ay mahigit 20 ang edad.
"Mama maaari po bang makainom ng tubig," samo ko. (Itutuloy)