^

True Confessions

Ang Kasalanan ko kay Kuya Felipe (117)

- Ronnie M. Halos -
MAY kamukha ang babaing pumasok. Parang nakita ko na.

"Jim, kapatid ko, si Bernie," sabi ni Trish.

"Hi Bernie!" tumayo ako inabot ang kamay ni Bernie.

"Si Jim…" sabi ni Trish sa kapatid.

"Ah siya pala si Jim… Mabuti nakita mo ang ate ko Jim."

"Nagpunta siya sa dati nating tirahan sa Makati, Bernie."

"Ah," nasabi ni Bernie.

"Galing siya sa Australia. Sinundo namin kamakalawa sa airport," baling sa akin ni Trisha.

Titig na titig ako kay Bernie. Talagang may kamukha siya. Pilit kong inalala. Parang kamukha siya ni Ate Tet. Oo nga. Malaki ang pagkakahawig.

"Sige, Jim mag-usap kayong masinsinan ni Ate. Kailangang ligawan mo nang matindi yan. Marami kang atraso r’yan."

Umingos si Trish sa kapatid. Pumasok na si Bernie sa isang kuwarto.

"Matagal na siya sa Australia?" tanong ko.

"Mga isang taon pa lang."

"Mabuti’t hindi ka nagpunta roon?"

"Muntik na. Iyon ay noong panahong hindi mo na ako tinawagan pero nakapag-isip ako na mas gusto pa rin dito sa Pilipinas."

"Napansin ko naka-school uniform ka. Teacher ka?" tanong kong muli.

"Oo. Sa isang private school."

"Di ba masscom ka?"

"Oo."

"Paano ka napunta sa pagtuturo?"

"Hindi kasi ako makakita ng trabaho. Napakahirap kaya naisip ko, kaysa tumambay, kumuha ako ng masteral degree at nagturo. Enjoy naman ako. Nalilimutan ko ang mga nadamang sakit…" sabi at bahagyang pinahid ng hawak na panyo ang gilid ng mga mata. Bahagya ang pagkakapahid niya ng make-up na lalo namang nagpalutang sa kanyang ganda. Simpleng babae. Kung ano siya noong una kaming magkita sa isang mall sa Maynila ay ganoon pa rin.

"Akala ko hindi na tayo magkikita Trish…" sabi kong nakatitig sa kanya. "Nang malaman kong disconnect na ang phone n’yo hindi ko malaman ang gagawin para muli kang makita."

Unti-unti napapansin kong lumuluwag ang kalooban ni Trish. Ang maramot na pagngiti kanina ay unti-unti nang sumusungaw. Nagkakaroon na ng liwanag.

"Bakit nga pala hinanap mo pa ako?" tanong nito na para bang ako ay sinusubukan.

"Dapat pa bang itanong ‘yan?"

"Malay ko kung meron ka ng iba. Alam ko maraming magkakagusto sa’yo dahil matalino ka…"

"Sa palagay mo ba magtitiyaga pa akong hanapin kita at puntahan sa malayong lugar na ito kung meron na akong ibang nagugustuhan?"

"Malay ko ba? Natiis mo nga akong huwag tawagan at kumustahin noon."

"Iba noon kaysa ngayon," sabi ko at tila naniniwala akong kailangan nga ang matinding panliligaw kay Trish gaya ng sinabi ng kapatid nitong si Bernie.

"Paano ako makatitiyak na wala ka ngang ibang babae?"

"Magpakasal tayo…" sabi kong matatag.

(Itutuloy)

AKO

ATE TET

BERNIE

HI BERNIE

OO

PAANO

SI JIM

SIYA

TRISH

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with