Ang kasalanan ko kay kuya Felipe (Ika-103 labas)

(Batay sa tunay na kasaysayan ng isang nagpapatawag sa pangalang JIM. Ang iba pang pangalan ay sadyang binago ng awtor.)

"KAPAG nakapasa ka sa board, tiyak na magiging matatag ka rito Bata," sabi ng boss kong engineer. "Pagbutihan mo sa board exam ha?"

"Paghuhusayan ko Sir," sagot ko.

"Kung may kailangan kang tulong, huwag kang mahihiyang magsabi sa akin. Basta katulad mong nagsisikap, handa akong tumulong."

Lalo akong nagkaroon ng inspirasyon sa mga sinabi ng boss ko. Pati ang iba pang mga engineers sa kompanya namin ay nag-aalok ng tulong at nagbibigay ng suporta. Nakikita kasi nila na matiyaga ako at talagang nagsisikap. Ipinakita ko ang kaseryosohan sa trabaho.

"Kaya lang baka kapag pasado ka na e bigla kang aalis dito Jim," sabi ng isang engineer. "Yung iba e ganyan ang ginagawa. Pagkatapos naming turuan e nagsa-Saudi…"

"Hindi po Sir," sagot ko at agad naalala ang pangarap para sa akin ni Kuya Felipe noon na mas magiging maganda raw ang buhay kapag nakapag-Saudi ako. Malaki raw ang suweldo. Naalala ko rin si David, ang kaibigan ni Kuya Felipe na nagsabing kontakin ko lang daw siya kapag gusto ko nang mag-Saudi. May nakahanda na raw billet number para sa akin doon sa kompanya nila.

"Sure ka ha Jim na hindi aalis?" tanong pa sa akin ng engineer.

"Totoo po. Hindi ako aalis dito."

Nagreview ako. Naging maluwag sa akin ang kompanya sa panahon na ako ay nagre-review. Marami rin sa mga engineers na kasamahan ko ang nagbigay ng tips.

Kumuha ako ng exam. Naghintay ng resulta. At presto, nakasama ako sa top 10 sa mga kumuha ng Electronics and Communication Engineering exam.

Kung ako ay tuwang-tuwa nang lumabas ang resulta mas lalo pa ang mga kasamahan ko. Masayang-masaya sila at pakiramdam ko para akong binubuhat sa tindi ng kanilang pag-congratulate sa akin. Ako pa lamang sa mga engineers na nasa kompanyang iyon ang nakapasok sa top ten.

"Mahusay talaga itong bata ko," sabi ng boss ko. "Pag nagretire ako tiyak, ikaw ang kapalit ko."

"Kailan po kayo magre-retire Sir?" sabi ko bilang pagbibiro.

"Iyon ang hindi ko alam siguro mga 30 years from now," at saka huma- lakhak nang todo. Nakitawa rin ang iba pang kasamahan ko.

Ang pagkakasama ko sa top ten ang naging dahilan para umakyat ako sa puwesto. Siyempre, lumaki rin ang suweldo ko.

"Dapat, meron ka nang nililigawan Bata…" sabi ni boss.

Hindi naman ako sumagot. Ngumiti lang ako.

"Meron akong imamanok sa’yo. Baka sakaling matipuhan mo…" (Itutuloy)

Show comments