HINARAP ko ang kinatatakutan pero may pangako na ako sa sarili. Pagkatapos mailibing si Kuya Felipe ay aalis na ako sa bahay. Tapos na ang pagtataksil.
"Ngayon ka pa matatakot e patay na yan," sabi ni Ate Tet nang makitang pumasok na ako sa punerarya. Sinalubong ako sa may pintuan. Sabi ko nat arte lamang niya ang pag-iyak. Natutuwa siya dahil wala nang kontrabida.
"Para kang bakla. Ang patay ay patay na at wala nang magagawa," pahabol pang sabi.
Lumapit ako sa kinaroroonan ng kabaong. Wala pang tao roon. Si David na kaibigan ni Kuya Felipe ay nasa isang sulok. Ang ilang tao roon ay mga kapitbahay namin.
Wala na akong nararamdamang takot. Siguroy matindi ang ginawa kong pangako na ititigil na ang kataksilan. Sinilip ko si Kuya Felipe. Parang natutulog nga lang. Na-imagine ko, ano kayat magdilat ang kanyang mga mata at tingnan ako na parang malulusaw sa tindi ng galit. Siguroy hindi ko malaman kung ano ang gagawin. Pero iyon ay bunga lang ng labis kong pag-aalala at takot.
Patay na nga si Kuya Felipe. Hindi na dapat katakutan sabi ni Ate Tet.
Walang nagbago sa mukha ni Kuya Felipe. Iyon pa rin ang mukha ng taong umampon sa akin at nagpaaral at pagkatapos ay "tinuklaw" ko.
"Patawad Kuya," iyon ang aking nasabi. Namalayan ko, tumutulo na ang aking luha. Ang luha ay tumulo pa sa takip ng kabaong.