KULAY dilaw ang ilaw na nakatanglaw sa kabaong ni Kuya Felipe. Nasa pintuan pa lamang kami ng punerarya ay nakita ko na. Naamoy ko rin ang bulaklak mula sa loob. Lalo lang naging malungkot ang tagpo. Parang ayaw kong makita ang mukha ni Kuya Felipe na nasa loob ng kabaong. Hindi ko kayang makita ang taong "tinraidor" ko.
Kasama pa rin namin si David, ang kaibigan at ka-room mate ni Kuya Felipe sa Riyadh. Umuwi lang ito sandali sa kanila sa Tondo at bumalik sa amin at sabay-sabay kaming nagtungo sa punerarya.
Humakbang kami palapit sa kinaroroonan ng kabaong. Pakiramdam koy mabigat ang aking mga paa. Hindi ko gaanong maihakbang.
"May nakalimutan ako sa sasakyan Ate Tet," sabi kong pabulong. Ang FX na aming inarkila nang magpunta sa NAIA ang sinakyan din namin. Mabilis akong lumabas. Wala naman akong nakalimutan. Gusto ko lang takasan ang pagkakataong iyon na magkikita kami ni Kuya Felipe. Mas mahirap palang humarap sa isang patay na. Mas matalim ang nakaumang na pansaksak sa utak.
Nagtuloy ako sa isang tindahan sa kalayuan. Bumili ng sigarilyo. Hindi naman ako naninigarilyo pero iyon ang naisip kong paraan para magtagal sa tindahan. Hithit-buga, hithit-buga ang ginawa ko sa sigarilyo. Naubo pa ako. Sunud-sunod.
Ilang minuto lamang ang nakalipas ay nakita ko ang paglabas ni Ate Tet sa punerarya. Kinawayan ako. Itinapon ko ang may sinding sigarilyo. Lumapi ako kay Ate Tet.
"Kala ko may naiwan ka sa sasakyan?"
"Sabi ko lang iyon "
"Halika tingnan mo ang Kuya mo. Parang natutulog lang siya."
Narinig ko na naman ang mga salitang iyon. Parang natutulog lang. Parang hindi patay.
"Mamaya na."
"Marami ka namang arte!"
"Mamaya na nga e!" itinaas ko ang boses.
Lumayo sa akin si Ate Tet. Pumasok sa loob. Nagbalik ako sa tindahan at bumili muli ng isang stick na sigarilyo. Sunud-sunod ang hitit ko.
Paano ako haharap kay Kuya Felipe? Iyon ang tanong ko sa sarili. (Itutuloy)