PATULOY pa rin sa pagkukuwento ang kasamahan ni Kuya Felipe na si David. Pawang tungkol sa akin ang sinasabi ni David na kung bakit daw naging paborito nitong ikuwento may ilang araw bago atakihin sa puso si Kuya Felipe. Para raw bang nagbibigay ng premonisyon ang walang tigil na pagkukuwento nito tungkol sa buhay nito sa Pilipinas. Lahat daw ay sinabi. Mas marami ngang ikinuwentong mga balak para sa akin si Kuya Felipe.
"Kapag daw nakapasa ka na sa board exam, papuntahin ka na agad doon at kapag naroon ka na, puwede na raw siyang magpahinga puwede na raw siyang magpasarap dito sa Pinas kasama si Misis niya " at tumingin si David kay Ate Tet.
Napatingin din naman ako kay Ate Tet.
Nagpatuloy sa pagkukuwento si David. "Madalas pa nga inggitin ni Ipe. Talo raw niya ako dahil Nakapagpatapos siya ng engineering. Talagang ipinagmamalaki ka nang todo ni Ipe. Paulit-ulit ang pagmamalaki sa iyo. Malaking-malaki talaga ang tiwala sa iyo "
Nagkatinginan muli kami ni Ate Tet. Naramdaman ko namang ang pagtarak ng patalim sa utak ko. Mahapdi.
Dumating kami sa bahay at lalo ko pang nadama ang lungkot. May mga kapitbahay kaming nag-uusyuso. Nalaman na rin nila na namatay si Kuya Ipe sa Saudi. Pagbaba namin sa sasakyan ay maraming tanong. Marami ang nagtataka.
"Nasaan ang bangkay ni Ipe? Bat hindi niyo kasama?" tanong ng isa.
"Nasa punerarya po," sagot ko.
At kung anu-anong mga tanong na nakapupundi na at nakadagdag sa aking utak.
"Ano bang nangyari?"
"Inatake sa puso?"
"Kawawa naman."
"Paano si Tet?"
"Mag-aasawa uli yan. Bata pa at seksi eh."
Pumasok na ako sa bahay para makaiwas at wala nang marinig.
(Itutuloy)