Ang kasalanan ko kay kuya Felipe (Ika-61 labas)

(Batay sa tunay na kasaysayan ng isang nagpapatawag sa pangalang JIM. Ang iba pang pangalan ay sadyang binago ng awtor.)

KUMAKALAT na sa katawan ko ang ininom na beer. At sa katulad kong hindi sanay uminom, madali akong tinalo ng espiritu ng alak. Dalawang bote lang ay umikot na ang paligid ko. Masarap pala. Para akong idinuduyan. Inihehele ng awiting dumadagundong. Nayayanig ako. Hindi ko na binigyang-pansin ang usok at iba pang amoy sa loob ng kuwarto.

"Dito Pare, lalong ipaghehele. Lahat malilimutan mo," sabi ni Frank habang inaayos ang sa tingin ko’y paraphernalia sa pagsinghot ng shabu.

"Tiyak ko ngayon ka lang makakatikim ng boshab ‘no Jim?"

Tumango ako. Nakita kong mapupula ang mga mata ni Frank dahil marahil sa alak. Kaktwang pati ugat sa puti ng kanyang mga mata ay aking nakikita. Ganoon pala kaliwanag ang mga mata kapag may kargang beer. Pati pakiramdam ko’y matalas. Naririnig ko ang kahit mahinang ingay.

Napansin ko ang pare-parehang nakasalampak sa sahig. Magkakayakap. Parang mga aninong nakatumpok doon. Kung ano ang ginagawa hindi ko na pinansin. Si Frank ay abala sa paghahanda sa mga paraphernalia. Ganoon pala. May aluminum foil. May tooter. Kung paano gamitin, hindi ko alam.

"Malapit na ‘to Jim. Tamang-tama kapag nasundot ka, tiyak malilimutan mo lahat. Pati ‘yung probinsiya nating hindi umaasenso malilimutan mo na. Kailan ka huling umuwi sa probinsiya nating lokbu?"

"Matagal na."

"Huwag ka nang umuwi dahil marami na ring adik dun. Buti pa rito, sosyal ang adik."

"Ikaw umuuwi?"

"Hindi. Dinadala na lang dito ni Tatay ang allowance ko."

Naisip ko, mabuti pa si Frank at may tatay. Kaya lang kawawa naman ang tatay ni Frank hindi alam ang ginagawa ng anak.

Nakaramdam ako ng pagdyinggel. Nagpaalam ako kay Frank.

"Dyinggel ako Frank, saan ba CR?"

"Don sa dulo. Bilisan mo okey na ‘to."

Pumunta ako sa CR. Nang iihi na ako, kakatwang nakita ko sa tubig ng inidoro ang reflection ng mukha ni Kuya Felipe. (Itutuloy)

Show comments