"ATE Tet, aalis na ako," sabi ko at bahagyang lumapit sa may pinto ng banyo para marinig. Umiihi pa si Ate Tet. Naririnig ko ang tila sipol na tunog.
"Sandali," sagot nito.
Ang pagpapa-alam na iyon ay may dahilan. Hihingi ako ng baon. Kung minsan ay ina-advance na niya ang pagbibigay ng baon sa akin. Para raw laging may laman ang bulsa ko. Hindi ko naranasan iyon kay Kuya Felipe. Kung ano lang ang baon ko sa araw na iyon, iyon lang talaga ang ibinibigay. Walang sobra. Bagay na nagturo naman sa akin para magtipid. May naiitabi pa ako mula sa P20 na bigay ni Kuya Felipe noon. Inilalagay ko sa alkansiya.
Lumabas si Ate Tet sa banyo.
"Teka at kukuha ng perang baon mo."
Pumasok sa kuwarto si Ate Tet. Nang lumabas ay hawak na ang wallet. Kumuha ng P100.
"Dalawang araw mong baon yan," sabi.
"Puwedeng tatlo o apat na araw ito sa akin Ate."
"Huwag mong tipirin ang sarili. Kaya ka na lang magtitiis ng gutom ay dahil nagtitipid ka. Isa yan kaya maraming bata ang bobo. Kulang sa pagkain."
"Sanay naman akong walang baon, Ate."
"Sa probinsiya puwede yon dito sa Maynila hindi. Magiging kawawa ka rito."
"Salamat Ate."
"Mamaya pagdating mo ibabad mo sa sabon yung mga damit ko ha. Pati mga panty at bra. Pagdating ko saka lalabhan."
"Ako na lang ang maglalaba Ate."
"Sige. Yung panty ko huwag mong isasama sa de-kulay. Mamahalin yon. Kamayin mo ang pagkusot at saka yung bra, ha?"
"Opo Ate."
Umalis na ako patungong school.
Habang naglalakad naisip ko na talagang mabait si Ate. Galante pa. Praktikal kung magdesisyon. Mabilis mag-isip. Hanga ako sa ganoong babae.
Pagdating ko sa hapon ay nilabhan ko ang mga damit niya, pati mga panty at bra. Dakong alas-nuwebe na ng gabi dumating si Ate Tet. Nang buksan ko ang pinto ay nalanghap kong amoy alak. Saan kaya uminom?
"Kakain ka Ate?"
"Mamaya na."
Inalalayan ko sa pag-upo sa sopa. Nag-alis ng sapatos at doon na humilata sa sopa.
(Itutuloy)