"NAIKUWENTO sa akin ni Ipe na ulila ka na raw. Napatay daw ang tatay mo sa isang inuman, totoo ba?"
Tumango ako. Nagpakita ako ng lungkot sa muling pagkakaungkat sa masaklap na bahaging iyon ng aking buhay. Nabuhay ang masamang alaala.
"Ay sorry ha. Hindi pala ako dapat magtatanong ng ganyan. Sorry Jimpoy "
"Okey lang po Ate. May isip na naman ako," sabi ko pero sa kabila niyon ayaw ko talaga. Kaya nga ako nagkukumahog na sumama kay Kuya Felipe dito sa Maynila ay para takasan ang masamang bangungot.
"Huwag na tayong mag-usap tungkol doon. Gusto mo manood tayo ng sine?"
Nabigla ako sa sinabing iyon ni Ate Tet. Mula nang magtungo ako rito sa Maynila ay isang beses pa lang akong nakakapanood ng sine. Isinama ako ni Kuya Felipe. Natatandaan ko sa isang sinehan sa Recto Avenue kami nanood. Aliw na aliw ako.
"Ano, manood tayo? Linggo naman ngayon. Wala ka bang exam bukas?"
"Meron Ate pero nag-review na ako."
"Tena manood tayo. Boring dito sa bahay."
Pumayag ako. Pero maraming tanong sa isip ko. Bakit ako at hindi ang mga anak ang isama niya? Baka.. baka at maraming baka. Marumi lang siguro ang isip ko. Epekto ng mga nakita ko noon kay Kuya Felipe at sa mga "kakabayo" niya.
Dakong ala-una ay umalis kami ni Ate Tet. Nagdyipni lang kami.