Laro sa Putikan (Ika-145 labas)

Kasaysayan ni Jean,isang nurse sa Riyadh,Saudi Arabia

(Ang ilang pangalan ng tao,lugar sa kuwentong ito ay sadyang binago ng awtor)


ANG sulat ni Kuya Jeff ang agad kong binuksan nang makarating sa housing. Kahit na maalikabok sa aking tirahan, hindi iyon ang una kong inasikaso kundi ang sulat. Gusto kong malaman kung ano ang nakasaad doon.

Maikli lamang ang sulat ni Kuya Jeff pero ang bawat salita ang mga pananalita ay may pinupukaw sa aking damdamin.

"Hindi pa rin nagbabago ang pagmamahal ko sa iyo. Kung ano ang damdamin ko noon nagsasama pa tayo iyon pa rin iyon. Ang ikinatatakot ko baka ako na lang ang nagmamahal at ikaw ay hindi na. Kaya nga tinanong kita kung mayroong nanliligaw sa iyo. Sabi mo wala. Natuwa naman ako. Pero malay ko kung sinabi mo lamang iyon para hindi ako masaktan."


Napupukaw ang damdamin ko. May himig pa yata ng pagseselos ang tumbok niya. Wala naman talagang nanliligaw sa akin. At kung meron man, hindi ko tatanggapin.

"Kapag hindi naging successful ang tindahan ko, agad kong isusulat sa iyo. Ihanap mo ako ng trabaho diyan. Kapalan na ng mukha ito. Di ba kilala mo yung Saudi officer sa dati kong pinagtatrabahuhan? Maaari pa naman siguro akong bumalik doon. Wala naman akong magandang record. Isa pa sabi nung isang manedyer na Arabo sa akin bago nag-resign sa dating trabaho, maaari pa naman akong bumalik."


Natuwa ako. Hindi ba’t iyon ang aking binabalak. Gusto kong magkasama muli kami. Kaya lamang, kamamatay lamang ni Ate. Napakasama ko namang kapatid kung mangyayari agad iyon.

"Iyan naman ay kung wala ka pang nakikitang kapalit ko. Kung meron na, okey lang…"
sabi ni Kuya Jeff sa hulihan ng sulat.

Gusto kong magtawa. Nagpapaawa pa yata.

(Itutuloy)

Show comments