Nang mag-takeoff ang Saudia Airlines ay natutulog ako. Ang ibang pasahero ay napansin ko ring malulungkot lalo pa ang mga ama. Panibagong pakikipagsapalaran na naman para sa kanila. Siguroy kapareho rin ng dasal ko ang kanilang dinadasal na sanay matapos na ang paghihirap sa Saudi Arabia.
Walong oras ang nakalipas. Nasa Riyadh na kami. Pababa na nang pababa ang lipad ng Saudia. Hanggang sa makalapag sa King Khaled International Airport. Malamig ang panahon. Pebrero kasi noon kaya kumakapit ang lamig sa balat. Paalala ng stewardess na magsuot ng jacket sapagkat masyadong malamig ang temperatura. Kinuha ko ang jacket sa bag at isinuot. Ang jacket na iyon natatandaan ko ang binili pa namin ni Kuya Jeff sa Batha noong magkasama pa kami.
Nang maisuot ko ang jacket ay may nakapa ako sa bulsa niyon. Kinuha ko. Isang sulat na nakasilid sa sobre.
Galing kay Kuya Jeff. Palihim na isinilid sa bulsa ko.
Ibinalik ko ang sulat sa bulsa. Sa bahay ko na iyon babasahin. At least, mababawasan ang kahomsikan ko dahil may inaasahan akong balita galing sa kanya.
Mabilis akong nakatawag ng limousine (taxi) at nagpahatid sa aming housing.
(Itutuloy)