(Ang ilang pangalan ng tao,lugar sa kuwentong ito ay sadyang binago ng awtor)
"HINDI na ako nakatira sa dati nating tirahan," sabi ko kay Kuya Jeff makaraang pahirin ang luhang nag-unahan sa aking mga pisngi. Gusto kong mabawasan ang nadaramang kalungkutan sa pamamagitan ng pag-ungkat sa ibang topic.
"Mabuti at umalis ka na roon," sagot nito. "Naiisip kita kapag umuuwi ng gabi galing sa duty. Maraming mga walanghiyang tinedyer na nambabastos ng Pinay."
"Kaya nga ako umalis doon Kuya Jeff. At saka masyadong malaki ang kuwarto para sa akin."
"Kumusta naman sa housing mo sa ospital?"
"Okey naman. Wala nang gaanong problema roon."
"Yung mga kaibigan mo roon?"
"Wala na ang ilan. Yung kaibigan ko roon wala na. Nag-finished contract na."
"Mabuti naman."
"Me nanliligaw sa iyo?"
"Wala."
"Siyempre aaminin mo ba yon sa akin."
"Wala nga."
"Bakit?"
"Sa wala e."
Natahimik kami. Humakbang siya palapit sa may bintana. Saka humarap muli sa akin.
"Alam mo mula nang mapatawad ko ang ate mo, nabawasan na ang mga dalahin ko rito," sabi niya at itinuro ang dibdib. "Para bang naging magaan na sa akin ang pagtanggap sa mga pasakit ng buhay. Kaya nga nang mangyari ang pagtalon niya sa overpass na ikinamatay niya, hindi na ako gaanong nasaktan "
Hindi ako makapagsalita. Sa tingin ko ay malalim na nga ang pagkatao ni Kuya Jeff. Malayung-malayo na ang Kuya Jeff na kilala ko noon kaysa sa kaharap ko ngayon. Nag-iisip, praktikal at may paninindigan na sa buhay.
"Alam mo, hindi ko rin akalain na magagawa kong patawarin ang kapatid mo. Noong una ay halos isumpa ko siya. Sabi ko kahit na naghihingalo na ako hindi ko siya mapapatawad. Pero kapag pala ipinaubaya mo na sa Diyos ang lahat, malilimutan mo pati na ang matinding galit "
Paano kaya kung malaman niya na bukod pa sa tinedyer na naging lalaki ni Ate ay mayroon pang dalawa? Maging magaan pa rin kaya sa kanya ang lahat? Matatanggap pa kaya niya?
Pero hindi pala ako dapat matakot. Ang dalawang lalaki pala sa buhay ni Ate Cora ay alam na rin ni Kuya Jeff. Ikinuwento niya sa akin noon din. Nalaman daw niya mula sa isang kapitbahay noon.
"Tanggap ko na iyon. Pinatatawad ko pa rin siya sa kabila niyon."
Humanga akong lalo kay Kuya Jeff. Iba na siya. Talagang iba na.
(Itutuloy)