(Ang ilang pangalan ng tao,lugar sa kuwentong ito ay sadyang binago ng awtor)
MALAMLAM ang ilaw na nakatanglaw sa kabaong ni Ate Cora. Mula sa NAIA ay sa punerarya na ako nagtuloy. Tahimik sa loob ng punerarya. Kakaunti ang mga taong naroon. Si Kuya Jeff at ang dalawang anak ay magkatabing nakaupo, Nang makita ako ng mag-aama ay tumakbo ang bunso at sinalubong ako. Nagmano at saka ako niyakap. Malaki na ang dalawang bata.
"Sinong kasama mo Tita?" tanong sa akin.
"Wala."
"Wala ka ba pang asawa?"
Napangiti ako. "Wala pa," sagot ko. Nagtaka ako kung bakit naitanong iyon ng pamangkin ko.
Saka ay niyaya ako sa kinaroroonan ng ama at kapatid. Tumayo si Kuya Jeff. Nagmano naman sa akin ang panganay na anak nang makalapit ako.
"Halika, tingnan mong ate mo," yaya ni Kuya Jeff.
Lumapit kami sa kabaong. Tahimik na akong umiiyak. Nang makita ko ang mukha ni Ate ay tuluyan na akong napabunghalit.
"Ate! Ate!" sabi ko at naramdaman ko ang pag-alalay ni Kuya Jeff at ng dalawang anak. Hawak ako sa braso.
Payat si Ate Cora. Hindi maitago ng make-up ang mga dinanas na kabiguan sa buhay. Kawawa naman ang kapatid ko. Naisip ko wala akong nagawa sa kanya para tuklasin ang katotohanan sa tunay na dahilan ng pagkasira ng kanyang isip. Kung iyon nga ay dahil sa pangre-rape ng among Arabo. Hindi ko man lang napaimbestigahan kung ano ang punut dulo ng lahat. At ang huling duro sa aking konsensiya, ang pagkakaroon namin ng relasyon ni Kuya Jeff. Napaiyak pa ako. Malakas ang pag-iyak. Gusto kong ibuhos na sa sandaling iyon ang lahat ng nararamdaman ko. Patawad Ate! Sana ay mapatawad mo ako! Iyon ang gusto kong sabihin nang malakas. Para man lang mabawasan ang bigat na aking nadarama. Pero hindi ko magawa. Iyak lang ako nang iyak.
"Jean Jean..," naramdaman ko ang pagtapik sa aking braso ni Kuya Jeff.
Tumigil ako sa pagnguyngoy. Pinahid ko ang luha at tumingin kay Kuya Jeff. Malungkot siya. Walang kasing lungkot. Katulad ko na para rin bang nagsisisi sa mga nagawang kasalanan.
Makalipas ang apat na araw ay inilibing na si Ate Cora. Marami rin ang nakipaglibing. Maganda ang sikat ng araw ng hapong iyon dakong alas-tres. Sa isang memorial park inilibing si Ate Cora. Ako ang may gusto niyon. Unang plano ni Kuya Jeff ay sa isang pampublikong sementeryo ito ilibing.
Nang ilagak ang kabaong ni Ate Cora ay nakita ko ang pag-iyak ni Kuya Jeff. Ako ay hindi na umiyak. Naubos na. Wala akong tanging nasabi kundi paalam Ate Cora at patawad. At nailagak ang kabaong. Wala na nga si Ate Cora.