Laro sa Putikan (Ika-138 labas)

Kasaysayan ni Jean,isang nurse sa Riyadh,Saudi Arabia

(Ang ilang pangalan ng tao,lugar sa kuwentong ito ay sadyang binago ng awtor)


HINDI ko inaasahan ang pagtawag sa telepono ni Kuya Jeff makalipas ang isang taon. Tumawag siya isang gabi sa ospital. Mabuti na lamang at hindi pa ako nakakauwi sa housing namin. Matindi ang kabang naramdaman ko sa pagkakataong iyon. Masama ang nangyari.

"Patay na ang ate mo, Jean," sabi niyang mahinahon pero naroon ang bakas ng kalungkutan.

Hindi naman ako nakapagsalita dahil sa pagkabigla. Matagal kong inisip ang kanyang sinabi. Siya na rin ang nagdugtong niyon.

"Iniuwi na namin siya sa bahay pagkaraan nang mahigit sampung buwan sa mental. Okey na raw. Masaya naman ako dahil nakikita ko nga, may progress na. Nakakausap na nang matino. Nang makita nga ako ay nag-iiyak pa at humingi ng tawad. Magaling na talaga siya.

"Maski ang dalawang anak namin ay tuwang-tuwa dahil muling mabubuo ang pamilya. Mahigpit na niyakap ng Ate mo ang dalawa naming anak.

"Okey na uli kami. Nakagagawa na siya sa bahay. Meron kaming maliit na tindahan na ako ang nagbabantay. Ang perang nakuha ko sa kompanya diyan sa Saudi ang pinuhunan ko sa tindahan. Nakaka-survive naman kami.

"Akala ko hindi na uulit ang sakit ng ate mo. Mali ako. Sumusumpong ang sakit. Ang matindi nagiging bayolente. Pero pagkaraan naman niyon ay parang balewala na uli.

"Noong isang araw, bigla na lang nawala ang ate mo. Nagkataong kumukuha ako ng paninda sa Divisoria. Ang dalawang bata ay nasa school. Walang makapagsabi kung saan nagpunta. Nireport ko sa barangay ang pangyayari ganoon din sa pulis. Kinagabihan, may tumawag na mga barangay tanod. Isang babae raw ang tumalon sa overpass at pagbagsak ay tumama sa isang dumadaang sasakyan. Patay na raw. Kung makakapunta raw ako sa morgue ay kilalanin ko kung iyon ang aking hinahanap.

"Mabilis akong nagpunta at siya nga ang ate mo."

Umiyak ako. Mahina sa una pero sa katagalan ay lumakas nang lumakas. Ang nasa counter na nurse ay nagulat sa malakas kong pag-iyak.

(Itutuloy)

Show comments