(Ang ilang pangalan ng tao,lugar sa kuwentong ito ay sadyang binago ng awtor)
NANG magpasya si Kuya Jeff na tapusin na ang kontrata sa Riyadh ay gusto kong tumutol. Paano ako? Mag-iisang muli. Hindi ko alam kung kaya kung harapin ang buhay na wala si Kuya Jeff. Pero sino ba ako para tumutol sa pasya niya. Sabi nga niya, iyon ang pinaka-mahirap na desisyon na ginawa niya sa buong buhay.
Sa pamamagitan daw ng perang makukuha sa mahaba rin namang pagtatrabaho sa Saudi ay pipilitin nilang bumangon. Kahit daw may sakit si Ate Cora ay pipilitin nilang ibalik ang kahapon. Ganoon siya kadesidido. Hindi ko nga akalain na ang galit na nadarama niya sa asawa bunga ng ginawa nitong kataksilan ay mapapalitan pa rin ng pagpapatawad. Ang akala ko, tuluyan nang nawala ang pagmamahal. Hindi pala. At sino ako para tumutol sa kanyang magandang balak para sa aking mga kapatid at pamangkin.
Mahirap magsimula sa Riyadh. Sa pag-uwi ko sa hatinggabi galing sa duty ay walang kasinglungkot ang aking nadarama. Naalala ko ang masasayang gabi namin ni Kuya Jeff. Ang walang patid na naming pagmamahalan at pagsusunuran. Masusumpungan ko na lamang ang sarili na umiiyak. Makikita ko na lamang na basa na ng luha ang aking unan.
Isang buwan ang nakaraan ay ipinasya kong bitiwan na ang kuwarto sa villa na aming inuupahan at nagbalik ako sa aming orihinal na accommodation housing. Ano pa ang gagawin ko sa bahay na aming inuupahan gayong wala na nga si Kuya Jeff.
Isa pay wala na rin naman akong katatakutan sa aming housing sapagkat wala na roon ang mga tsismosa kong kasamahan. Wala na akong pangingilagan pa
Ibinuhos ko ang sarili sa pagtatrabaho. Pinilit kong kalimutan ang lahat nang nangyari sa aming buhay.
(Itutuloy)