Laro sa Putikan (Ika-133 labas)

Kasaysayan ni Jean,isang nurse sa Riyadh,Saudi Arabia

(Ang ilang pangalan ng tao,lugar sa kuwentong ito ay sadyang binago ng awtor)


LUMALAWAK ang takot na nararamdaman ko sa dibdib dahil sa mga ibinalita ng kasamahang DH ni Ate Cora.

"Bakit ngayon ka lang tumawag sa akin?" tanong ko sa maid na nalaman kong Fe ang pangalan.

"Kasi’y hindi nga ako makatawag sa bahay ng pinagdalhan sa aking amo. Nakabantay ang among babae. Sa kaunting maling kilos ko ay sinasaktan ako. Ang totoo, tatawagan talaga sana kita nang araw na maghiwalay kami ni Cora para ipaalam ang pangyayari pero hindi ko nagawa dahil nga sa malupit kong amo."

"Saan ka tumatawag ngayon?" tanong ko.

"Dito nga sa opisina ng SWA. Pina-process na ang papeles ko sa pag-repatriate. Ang agency na nag-hire sa akin ang magpo-provide ng pamasahe pauwi."

"Paano ang kapatid ko Fe? Baka kung ano na ang nangyayari sa kanya sa Hofuf."

"Hindi ko nga alam ang gagawin. Problemado rin ako sa kalagayan ngayon. Gusto ko na talagang makauwi dahil sabik na ako sa mga anak ko."

"Paano ko malalaman ang kinaroroonan niya sa Hofuf."

"Hindi ko alam. Hindi naman nasabi ang eksaktong lugar doon."

Kinabahan na ako. Ang inaalala ko ay ang mga sinabi ni Fe na parang nawawala sa katinuan ang kapatid ko at ang laging bukambibig ay ang dalawang anak na nasa Pilipinas. Nang huli kaming mag-usap ni Ate noon ay nahalata ko rin ang pagiging tulala niya. Pero iyon ay hindi ko binigyang pansin dahil nahohomsik lamang siya. Talagang ganoon ang nararamdaman ng nahohomsik. Ang lalong nakadagdag ay ang ipinagtapat na ni-rape ito ng among motawa.

"Sige Jean, may gagamit ng telepono. Ikaw na ang bahala sa kapatid mo basta naipaalam ko na sa iyo ang nangyari sa kanya."

"Salamat Fe. Hindi ko malilimutan ang ginawa mong tulong."

Nang banggitin ko kay Kuya Jeff ang mga ikinuwento ni Fe tungkol kay Ate ay isa agad ang naisip nito lalo sa nangyaring rape.

"Hindi kaya nagpakita siya ng motibo sa amo niya kaya nangyari iyon. Hindi siya ni-rape kundi nagpa-rape talaga."

Natigilan ako sa mga sinabi ni Kuya Jeff. Maaaring totoo ang sinabi niya at maaaring hindi. Kung nagpa-rape, bakit tila nawawala sa sarili. Naguguluhan ako.

Show comments