Laro sa Putikan (Ika-132 labas)

Kasaysayan ni Jean,isang nurse sa Riyadh,Saudi Arabia

(Ang ilang pangalan ng tao,lugar sa kuwentong ito ay sadyang binago ng awtor)


ISANG linggo pa ang lumipas at balak ko nang puntaham si Ate Cora sa bahay na kanyang pinagtatrabahuhan nang may tumawag na sa akin sa ospital. Siya raw ang kasamahang maid ni Ate. Ibinigay daw ni Ate ang telephone number ko sa ospital. May mahalaga raw siyang sasabihin sa akin.

"Wala na rito sa Riyadh si Cora. Nasa Hofuf na siya," sabi ng babae na ikinagulat ko.

"Bakit?" iyon ang naitanong ko dahil sa pagkabigla. Ang Hofuf na sinabi ng babae ay nasa eastern province. Malayo ang lugar na iyon.

"Anong nangyari?"

"Dinala siya roon may isang linggo na. Ako naman ay tumakas sa aking amo at narito ngayon sa SWA…"

Naguluhan ako. Dati silang magkasama pero siya ay tumakas na at wala na si Ate rito sa Riyadh. Magulo.

"Hindi ko maintindihan…" sabi ko.

"Pinaghiwalay kasi kami. Siya nga ay dinala sa kapatid ng amo naming nasa Hofuf at ako naman ay dito sa Al-Kharj. Nagulat na lamang kami nang bigla kaming ibinigay sa iba."

"E ba’t ka tumakas?"

"Malupit ang amo kong babae. Kahit wala akong kasalanan, sinasaktan ako. Dalawang araw pa lamang ako, sinampal na ng amo kong babae. May mga pasa ako sa tagiliran dahil hinahampas ako kahit anong bagay na mahawakan."

"Si Ate anong nangyari?"

"Isa ‘yan kaya ako nagpilit na tawagan ka. Kasi baka nasisiraan na ng bait ang ate mo."

"Anooo?"

"Bakit siya nailipat sa Hofuf, yung amo naming lalaki, parang ni-rape siya. Kinuwento niya sa akin bago kami naghiwalay. Nung magkita kayo sa Food Basket nangyari na ang pag-rape sa kanya. Takot lang siyang magsumbong dahil motawa yung amo namin. Ikukulong daw siya kapag nagsumbong."

Naisip ko kaya siguro parangt tulala si Ate noon. May iniisip na malalim.

"Lagi niyang binabanggit sa akin ang dalawang anak niya. Pagkatapos nagsasalita siyang mag-isa."

(Itutuloy)

Show comments