"May sakit ka ba Ate?" tanong kong muli.
"Wala."
"Ibig kong sabihin, sakit sa lalaki."
"Wala."
"Bakit nagawa mong manlalaki?"
"Hindi ko alam," sagot na nakakunot ang noo.
Hindi na ako nagtanong pa.
"Ubusin mo na yang fries mo at yang softdrink mo," sabi ko.
Ginawa niya iyon. Pagkatapos ubusin ang fries at softdrink ay ipinagpatuloy ang kuwento sa lalaking nakarelasyon habang nakikipagmahjong sa bahay ng kaibigan.
"May anim na buwan din ang pakikipagrelasyon ko sa lalaking iyon. Natapos lamang nang sugurin ako ng asawa ng lalaki. Inaway ako habang naglalaro kami ng mahjong ng asawa niya. Lumaban ako sa babae. Nakipagsampalan ako. Habang nag-aaway kami ng babae, sumibat na ang lalaking pinag-aawayan namin.
"Dahil sa pakikipag-away ko sa asawa ng lalaki nagkaroon ako ng mga pasa sa mukha at braso. Napansin ng mga anak ko ang pasa, at tinanong ako kung saan nanggaling iyon, sabi koy nakipag-away ako sa palengke. Nakatingin lamang ang aking dalawang anak na parang hindi naniniwala. Pati ang katulong ko, halatang nagtataka rin.
"Hindi na nagpakita ang lalaking nakarelasyon ko. Hindi na naglaro ng mahjong. Pinuntahan ko minsan sa bahay na pinagdalhan sa akin noon pero ang sabi ng dinatnan ko, matagal na raw hindi nagpupunta ang lalaki. Galit ako at ganoon din sa asawa. Naipangako ko na kapag nagkita kami ng babaing iyon ay gagantihan ko dahil sa ibinigay niyang mga pasa sa akin. Pero hindi na nga kami nagkita "
Mula raw nang mangyari iyon ay hindi na rin siya naglaro ng mahjong sa bahay ng kaibigang babae. Pero hinahanap niya ang libangang iyon at hindi mapakali habang nasa bahay. Kaya kahit sa malapit sa kanilang bahay na may madyungan ay naglalaro siya. Hindi lamang sa mahjong siya nahumaling kundi sa iba pang sugal na ayon sa kanya ay pampalipas lamang ng oras.
Ang ikalawang lalaki raw ni Ate Cora ay isang jeepney driver na nakilala niya habang papunta sa bahay na pagmamadyungan. Nakangitian at naging kabatian ang jeepney driver at mula noon ay naging suki na siya. Sinusundo na siya sa pinagmamadyungan.
(Itutuloy)