(Ang ilang pangalan ng tao,lugar sa kuwentong ito ay sadyang binago ng awtor)
POSIBLENG sa mga sumunod na buwan ay magkita kami ni Ate Cora habang namamasyal o maaaring puntahan niya ako sa ospital. May pinag-aralan si Ate at malakas ang loob kaya maaari niyang magawa ang gusto.
Pero pinakalma ko ang sarili. Bakit ba ako magwo-worry kaagad. Naisip ko, kung isang domestic helper ang papasukan niya rito sa Saudi, hindi siya makaaalis ng bahay. Kung makaalis man, saglit lamang lalo na kapag ang natiyempuhan niyang amo ay mabagsik. May mga among Saudi na ayaw palalabasin ang kanilang maid. Lalo pa ang mga Saudi na kung tawa- gin ay mga Bado o Bedouin. Mababagsik sila lalo na ang mga babaing Bado. Wala kasing pinag-aralan ang mga Bado.
Iniisip ko naman kung bakit dito pa sa Saudi naisipan ni ate na magpaalila gayong maaari naman sa Hong Kong o maski sa Italy na mas mababa ang insidente ng pagmaltrato sa mga maid.
Kahit na hindi pa sigurado kung tuloy nga sa pagiging DH sa Saudi si Ate ay nag-ingat na ako. Hindi niya dapat malaman ang sekreto namin ni Kuya Jeff. Kung si Kuya Jeff ay handang harapin ang asawang taksil, ako ay hindi pa. Hindi ko kayang humarap kay Ate.
Nasaan na kaya ang kabit ni Ate? Baka pagkatapos mahuthot ang pera niya ay iniwan na. Kaya napilitang mag-abroad si Ate ay dahil wala na ngang pera. Mamamatay siya sa gutom kung hindi magtatrabaho.
"Huwag muna tayong lumabas at mag-shopping," sabi ko kay Kuya Jeff. Malakas ang kutob ko na matutuloy si Ate at dito sa Riyadh ang punta niya. Baka hindi natin alam, nakabuntot na sa atin "
"Huwag kang matakot. Wala na siyang pakialam sa akin at wala na rin ako sa kanya. Makating babae!"
Lumipas ang tatlong buwan at biglang tumawag sa ospital na pinagtatrabahuhan ko si Ate. Kinabahan ako.
"Narito na ako sa Riyadh " sabi niya.
Hindi ako nakapagsalita.
(Itutuloy)