(Ang ilang pangalan ng tao,lugar sa kuwentong ito ay sadyang binago ng awtor)
MAY sakit ang anak na bunso ni Kuya Jeff. Tinawagan ako ni Ate sa ospital isang umaga. Isinugod daw niya sa ospital. Hindi naman sinabi sa akin kung ano ang sakit. Pero naisip ko, siguroy malubha ang sakit. Hindi tatawag ng ganoong oras sa akin kung hindi emergency.
"Sabihin mo sa magaling kong asawa na umuwi siya at hindi ko na kaya ang pag-intindi sa anak namin. Wala na rin akong pera. Gulung-gulo na ang isip ko," sabi.
Natuliro rin ako sa ibinalita ni Ate. Nataranta na para bang mamamatay na ang aking pamangkin sa tindi ng paghahatid niya ng balita.
Agad kong ibinalita kay Kuya Jeff ang pangyayari. Tinawagan ko sa opisina niya ng umaga ring iyon pagkatapos kong makausap si Ate.
"Kailangang umuwi ka dahil nasa ospital ang anak mo," sabi ko. Mahina ang aking boses habang nakikipag-usap dahil marinig ng mga tsismosa kong kasama sa ospital.
"Anong sakit?" tanong ni Kuya Jeff.
"Hindi sinabi."
"Paano ang gagawin ko? tuliro siya. Ang anak kasi niya ang nasa panganib. Siguro kung si Ate ang nasa panganib baka hindi intindihin.
"Mag-file ka na ng leave. Tatawagan ko ang kaibigan kong sundalong Saudi diyan para madali kang maikuha ng tiket sa Saudia airlines."
Kinagabihang umuwi sa inuupahan naming villa si Kuya Jeff ay bakas sa mukha nito ang pagkatuliro.
"Ano, naaayos ba ang mga papeles mo?"
"Oo. Me tiket na ako."
"Kailangang makalipad ka bukas."
"Problema lang, kulang ang dala kong pera. Baka isampal lang sa akin ng " hindi na nito tinapos ang sasabihin.
"Meron naman ako rito. Idagdag mo dadalhin mo."
Pinisil niya ang kamay ko. Tanda ng pasasalamat at pagdamay ko sa problema niya.
"Kung wala ka rito, hindi ko alam ang gagawin," sabi.
Kinabukasan ng hapon ay inihatid ko siya sa King Khaled International Airport.
"Ingat ka, Kuya Jeff."
"Mag-ingat ka rin. Ikandado mong mabuti ang pinto."
Umalis na siya patungo sa Immigration. Tinanaw ko ang pagpasok sa loob. Hindi ko malaman kung bakit ganoon na lamang ang kabang naramdaman ko sa paghihiwalay namin. Natatakot ako sa maaaring mangyari. Baka hindi na siya makabalik sa Saudi. Paano naman ako?
(Itutuloy)