Laro sa Putikan (Ika-93 labas)

Kasaysayan ni Jean,isang nurse sa Riyadh,Saudi Arabia

(Ang ilang pangalan ng tao,lugar sa kuwentong ito ay sadyang binago ng awtor)


ISANG malaking kuwar-to sa isang villa ang nakuha namin para upahan. Ang villa ay dalawang palapag at binubuo ng pitong kuwarto. Sa ground floor kami. May sariling garahe iyon. May sariling telepono, cable, dirty kitchen at laundry room. Maluwang ang banyo. Tipikal na tirahan ng mag-asawang may dalawang anak. May 10 minutong lakarin ang ospital na aking pinagtatrabahuhan. Malaki ang renta pero para sa akin, hindi baleng bumayad nang malaki basta komportable lang.

"Hindi na tayo mangingilag dito," sabi ni Kuya Jeff nang inaayos na ang mga gamit namin.

"Huwag lang may kasamahan ako na umupa rin dito sa villang ito."

"Wala naman siguro. Karamihan dito ay mga Indian at Pako ang umuupa. Mga programmer diyan sa air base na malapit dito."

"Paano mo nalaman ang villa na ito?" tanong ko.

"Sinabi ng kasamahan kong Pako," (Ang Pako ay ang mga Pakistani). "Tahimik daw dito. Walang pakialaman ang mga nakatira."

Nakabuti na kakaunti ang mga gamit ko sa dating housing kaya wala kaming gaanong hinakot ni Kuya Jeff. Gabi kami lumipat para walang gaanong makakita. Siniguro namin na walang makapapansin sa aming kasamahan ko sa ospital.

Nang matapos kaming maghakot at maiayos ang mga gamit ay saka nagkaroon ng pangamba si Kuya Jeff.

"Paano kung biglang tumawag ang ate mo at malamang wala na ikaw doon sa dating housing?"

Natigilan ako. Oo nga hindi ko agad naisip iyon. Baka magtaka si Ate kung bakit bigla akong umalis sa housing.

"Tatawagan ko siya at ipaliliwanag ko ang dahilan. Sasabihin ko na mas magandang tumira sa labas o sa ibang bahay dahil mas maluwag. Walang nakikialam."

"Ibibigay mo rin ang telepono rito?"

"Siyempre."

"Huwag na. Sabihin mo na lamang na wala pang telepono dahil bago pa ang tirahan mo."

"Bakit naman?"

"Basta."

"Baka maghinala na iyon. Saka paano tayo makakabalita sa kanya."

"Ako wala nang paki. Sa mga bata na lamang ako may pakialam," sabi at umasim ang mukha.

Hindi ako makapagsalita. Sa dakong huli, pumayag na rin si Kuya Jeff na sabihin ko kay Ate Cora ang bagong num-ber namin sa villa. Pero pumayag siya alang-alang sa dalawang anak at hindi kay Ate. Ayaw ipaalam ni Kuya Jeff ang telepono sa villa dahil ayaw na niyang marinig ang pagmumura at panlalait nito.

"Mabuti na yung natatahimik ang buhay ko. Sawa na ako sa pagmumura."

Saka mahigpit akong niyakap.

"Mabuti ikaw at hindi naging bungangera," sabi sa akin.

"Masama naman talaga ang bungangera. Hindi ko alam kung bakit naging ganoon si Ate."

(Itutuloy)

Show comments