Laro sa putikan (74)

"KUMUSTA Jean?"

"Mabuti naman. Kayo?"

"Eto, wala na namang pera. Hanggang ngayon hindi pa dumarating yung padala ni Kuya Jeff mo."

Napatingin ako kay Kuya Jeff na nananatiling nasa mesa. Nakatingin sa akin at sumesenyas na huwag sasabihing nandito siya.

"Ang hirap kasing tawagan sa housing nila. Alam mo bang telepono sa opisina ni Kuya Jeff mo?"

"Hindi Ate."

"Kailangang-kailangan namin ang pera. May bibilhing libro ang anak niya. Magbabayad sa kuryente, sa telepono..."

"Naatrasado lang siguro Ate."

"Hindi ba siya nagpupunta diyan?"

Napatingin ako kay Kuya Jeff. Sumenyas pa rin na huwag sasabihing nandoon siya.

"Hindi Ate."

"Ano kayang ginagawa ng hayop na iyon at hindi man lang tumawag dito sa bahay."

"Hindi ko alam Ate."

"Kapag pumunta siya sabihin mo kailangan namin ng pera at saka dagdagan niya. Kuntento na siya sa karampot na padala niya."

"Sige Ate."

"Kailan ka ba babakasyon?" Malapit na Ate."

Natapos ang aming pag-uusap. Tulala ako pagkatapos. Nagsinungaling na ako sa aking kapatid.

Sinabi ko kay Kuya Jeff ang problema.

"Kapapadala ko lang ng pera sa kanya. Pera naman ang hanap niya," sabi.

Nakadama na naman ako ng awa kay Kuya Jeff.

"Ayaw ko na talaga sa kapatid mo Jean. Punumpuno na ako!" at ang dugtong, "tayo na lang ang magsama Jean..."

(Itutuloy)

Show comments