Laro sa Putikan (Ika-64 labas)

Kasaysayan ni Jean,isang nurse sa Riyadh,Saudi Arabia

(Ang ilang pangalan ng tao,lugar sa kuwentong ito ay sadyang binago ng awtor)


SA mahabang panahon na rin naman ng propesyon ko bilang nurse, sa ayos pa lamang at porma nang panginginig na may kasamang daing ni Kuya Jeff, alam kong mataas ang kanyang lagnat. Bumalik ang sakit dala marahil nang napuwersang paglalaba at paglilinis ng bahay. Ang isang ikinatakot ko ay baka kung anong sakit ang dumapo. Minsan ay nanalasa sa Saudi Arabia ang bronchitis at marami sa mamamayan ang tinamaan. Kaya ni-required ng gobyerno ng Saudi na magpabakuna ang mga tao kasama ang mga foreigners.

Natakot ako na baka may bronchitis si Kuya Jeff.

"Kuya Jeff! Kuya Jeff!" tawag ko.

Walang sagot. Patuloy ang panginginig at daing.

Nilapitan ko na at tinapik.

"Kuya…"

Saka lamang nagising. Kumilos at bumago ng puwesto.

"Anong masakit?"

"Katawan ko." Sabi na halatang nahihirapan.

"Nabinat ka?"

"Parang…"

"Matindi ang ginaw mo?"

"Mawawala rin ito. Magpapahinga lang ako sandali at saka aalis."

Noon ay dakong alas-singko na ng hapon. Dati mga alas-kuwatro pa lamang ay naghahanda na siyang umuwi sa kanilang housing sa Al-Rawdah.

"Uminom ka uli ng gamot," sabi ko at naghanap pa ako ng mga gamot sa ibabaw ng ref. Doon ko inilalagay ang mga gamot para sa lagnat.

"Inumin mo uli ito," iniabot ko.

"Mamaya na Jean baka isuka ko lang ‘yan. Matutulog muna uli ako."

Hinayaan ko.

Makalipas ang isang oras ay ganoon pa rin ang nangyayari. Walang pagbabago sa panginginig at daing.

Nilapitan ko at sina-lat na ang noo. Mainit! Nakapapaso!

(Itutuloy)

Show comments