(Ang ilang pangalan ng tao,lugar sa kuwentong ito ay sadyang binago ng awtor)
"BUKAS na ang flight ni Jeff," sabi ni Ate Cora nang tumawag ng gabing iyon.
"Anong oras ang alis diyan?" tanong ko.
"Ala-una ng hapon. Anong oras kaya ang dating diyan Jean?"
Kinuwenta ko. Advance ng limang oras sa Pilipinas.
"Mga alas-otso ng gabi, Ate."
"Naku gabi na pala. Paano kung wala siyang sundo sa airport?"
"Hindi maaaring walang sundo ang bagong dating no?" sagot ko.
"Kung sunduin mo kaya si Kuya Jeff mo?"
"Naka-duty pa ako ng ganoong oras Ate."
"Paano kung hindi siya sunduin? Tatange-tange pa naman yan. Baka tanungin ng Arabo ay kung anu-ano ang isagot."
Inisip ko na baka nga ganoon ang mangyari. Maraming bagong saltang Pinoy sa Saudi ang hindi nakikita ng mga sundo at may mga napapahamak. Gaya nang nangyari sa isang nurse na lalaki na naging kasamahan ko noon. Nang hindi nito makita ang sundo ay naglakas-loob sumakay ng limousine (taxi) at nagpahatid sa address na hawak. Kasoy hindi marunong mag-Ingles ang nasakyang taxi na ang driver ay Pakistani. Kung saan-saan siya dinala ng Pakistani. Mabuti at may Pinoy na taxi driver siyang napagtanungan at ito ang naghatid sa kanya sa ospital. Gusto pa siyang kursunadahin ng Pako. Palibhasay walang bigote at makinis ang kasamahan kong nurse. Pasalamat at nakita sila ng Pinoy na driver.
"Baka puwede mong puntahan sa airport si Jeff. Natatakot ako na baka hindi iyan sunduin."
"Sige, titingnan ko."
"Huwag mong tingnan, gawin mo."
"Anong isusuot niyang damit para madali kong makita?" tanong ko.
"Pula. T-shirt na pula at naka-maong."
"Sabihin mo huwag siyang aalis sa airport. Kahit na abutin siya ng siyam-siyam, huwag siyang lalabas sa airport. Mas safe siya sa King Khaled International Airport."
"Sige sasabihin ko."
Kinabukasan, mga alas-otso ay nagpaalam ako sa head nurse. Sinabi ko na may susunduin ako sa airport.
(Itutuloy)