(Ang ilang pangalan ng tao,lugar sa kuwentong ito ay sadyang binago ng awtor)
KINUHA ni Abdul Aziz Al-Mushawa ang aking number. Kapag mayroon na raw magandang balita ay kokontakin niya ako.
"Dont worry, Jean," sabi nito at kinindatan ako. Mukhang maginoo naman ang loko at hindi katulad ng Sauding doktor sa Al-Khobar na nagnasa sa katawan ko.
"Wala pronblemah," sabi pa nito sa Filipino.
"Tulong mo ako ha?"
"Siyempreh pah. Magaling yatah Filibin di bah?"
Isang linggo ang lumipas. Tinawagan ako ni Abdul Aziz. Tumawag ito sa ospital habang naka-duty ako. Nagkamali ako sapagkat nakikinig ang ilan kong kasamahan sa pag-uusap namin ni Abdul Aziz. Inihina ko ang aking boses.
"Kaifa halek?"
"Ana be sehah jaiyedah, shokran."
Sabi ni Abdul Aziz, nakausap na raw niya ang manager sa naval supply center kung saan maraming Pinoy na empleado. Nangako naman ang manager na kapag may bakanteng billet number sa kanyang department ay ipaaalam.
"Men altafekom," sabi ko kay Abdul Aziz.
"Ahlan wa shalan."
Nakita kong nakatingin sa akin ang nurse na nasa may counter nang ibaba ko ang telepono matapos makipag-usap. Alam ko, kaibigan ni Remy ang nurse.
Dalawang linggo ang lumipas at tinawagan akong muli ni Abdul Aziz.
"Nohane okom."
Magandang balita sapagkat bakante ang billet para sa supply clerk. Ibinigay ang qualifications, kailangang may background sa computer at marunong bumasa ng mga items nomenclature. Hindi naman kinakailangang nakatapos ng koliheyo. Ganoon lang.
"Okey bah Jean?"
"Okey na okey."
"Sigeh, pag-applayin mo na siyah Philippines hah?"
"Shokran cater Abdul Aziz."
Nang gabing iyon, tinawagan ko agad si Ate Cora.
(Itutuloy)